Tuesday, June 2, 2015

Sinong Prinsesa?


Ako ay isang prinsesa
Kailangan ng pagliligtas
Nakakulong, nakaatras
Kung walang tutulak na lakas

Ako'y mahina at marupok
Puro panaginip at takas
Na wala namang katotohanan
at mga panakip sa butas

Ako ay isang prinsesa
Nakatutok lahat ng ilaw
Walang kayang gawin at isigaw
Kundi pahingi ng araw

Ako'y takot at walang kaya
Walang kayang ipaglaban
Hindi maririnig ang iyak
sa naguumapaw na kintaban

Ako ay isang prinsesa
Nakatapak sa baga ng apoy
Nilublob sa pusod ng dagat
At nalunod bago lumangoy

Sa unang beses na paghinga
Kulang pa pero kaya na
Sa unang beses na paglayag
Nakatayo na sa sariling paa

Ako ay isang prinsesa
Huhusgahan sa nakalipas
Hihilahin pababa
na hindi ko kaya ang bukas

Pagdududahan ang tibay
Dahil nadapa noon
At di iiwan sa kahapon
ang pinagdusahang panahon

Ako ay isang prinsesa
Kakayaning patunayan
na di hadlang ang pagkaprinsesa
sa pakikipaglaban sa digmaan

Nadapa sa putik, sugatan
Peklat ang hiwa sa balat
Naiga ang buong kalulwa
nang hindi niyo nakitang lahat

Ako ay isang prinsesa
Magiging malakas at titingalain
Ang huling naging matamlay
ay kikinang sa mga bituin

Pagkat ito talaga ang simula
kapag ika'y naging prinsesa
Lahat ng dugo sa buong mundo
Bago ikaw ang maging Reyna


Friday, January 2, 2015

Ngayon lang Bago ang Aking Taon


May paalam ba? May pakilala ba?
Ang nagdurugtong sa dalawang taon
na walang pagitan kundi isa?
Minuto ba? O segundo?
Ang bilang ng pagbabago
Ilang oras ba ang katumbas?
ng simula ng panibago... 

Bata ka pa, kahit ilang taon ka na
Nagtatanong kung sapat na ba...
Ang isang taon...
na pagtatanong
kung kailan ba sasapat ang dusa...

Saan ako lilingon? 
Sa isang segundo bago magbagong taon?
Anong meron sa liwanag ng umaapoy na mga bituin?
Anong meron sa ingay na sasapaw sa malas
kung sa isang segundo
ako'y bata pa rin... 

Saan ako titingala?
Sa liwanag ng langit?
O ang ingay na nagkalma sa mga ulol na askal?
Saan ako ngingiti?

Ano pang aking itatalon?
Bakit lipas na ang ligaya ko sa Bagong Taon?


Masaya di kaila
ang magpasalamat sa oras...
Sa pinaghalu-halong ligaya na sumapaw sa malas
Mahaba na ang tula
pagkat simula na naman
ng pag-ikot ng mundo sa araw
habang hinihilo ang buwan...
Mga batayan ng oras, mga batayan ng panahon
na tugma sa aking buhay
at ngayon lang Bago'ng aking Taon... 


HAPPY NEW YEAR EVERYONE! 

Marami akong pangako ngayong taon na sana naman... matupad na. Hindi ibig sabihin na dahil bagong taon lang kaya ako magbabago. Kasi ngayon lang talaga (gaya ng patukoy ko sa tula) na naging Bago ang buhay ko ngayong bagong taon. Heto para sa isang taon na uling pagbabagong buhay at sa tuluyan kong paggaling... CHEERS! *klenk sa tasa ng kape*

Wednesday, December 24, 2014

Santa, It Socks



"I still remember how people have tried real hard to make me believe that Santa Claus exists. And when they have finally brainwashed my innocent mind, just right when I was already becoming happy — the I-don't-care-about-your-lies kind of happy, that's also the time I heard the phrases, "Santa is not real" and "He's never coming back this Christmas", being said one after the other.

 But then I realized, he never even came for me in the first place. Because he isn't real. Santa is not real. Sometimes, you make me feel like you are those people who deceived me, while your love for me is their Santa. And I am the same, stupid, small boy who, despite all these, still finds his own reasons to believe."

-Patrick De Guzman
Illustrated by Bernadette ANillo

Monday, December 15, 2014

Walang Yumuyuko sa Langit




Napamahal ka na ba sa ulan?
sa bahagyang maya't mayang tapsak na nagpapagaan
ng iyong kaluluwang lunod
at ang hangin ay susunod
sa pagdaloy ng yong lagyo sa iyong kalulwa

Nagkaroon ka na ba ng gabi...
Na parang may sumabog na nebula sa iyong utak?
nagkukulay bahaghari na mga bulak
at kumikislap kumikindat ang lahat
at uulanan ka ng ligaya

Narito ang langit
nagsasalpukan, nagkakasabugan
sa mga hindi natupad na hiling sa mga bituin
At pinipilit silang tingalain
at panoorin ang laban ng mga pangarap
na kumukulay dugo sa alapaap

...

Monday, December 8, 2014

Gising ka pa?

Mulat pa sya, sabi nya...
Bakit gising ka pa?
Naghihintay raw ng bagyo,
bago mag umaga.
Nag aabang ng buwan
Sa maulap na gabi.
Nananaginip ng gising
At walang katabi.


Gusto na nya, pilit pa
E Wala na kong panaginip na iba?
Wala ng magpapapikit
Ng napakahigpit
Habang nakangiti'ng wagas
ang aking mga mata.

Gusto ng makatulog
Pero inuulit-ulit pa...
Bakit gising ka pa?
Mahirap na... mahirap na...
Wala na kasi talaga...
Wala na akong panaginip na iba...


Malamig bakante
Wala ng aasahan
Mga pangarap na lumaos
Nauntog at nalaglag
Bangas ang puso este NGUSO
sa paikot na hagdanan.
Gising na gising
Tulala at torete
Nakatungga at nalasing
Sa isang galong kape


Ayaw ko na, ayaw pa rin
Malayo na ako sa mga bituin
Wala ng panaginip
Wala ng pagtahan
Wala ng pagdadasal
sa isang pangalan.
Gusto ko ng matulog
Magpahingang mahimbing
Mulat at huwag ng tatanungin
Kung bakit pa rin?
Kahit wala na...
Bakit pa ako gising?


Monday, November 10, 2014

Ako ay may Lobo...



Durugan ng titig, lusawin mo pa sa ikagiginhawa mo
Tapos na nga ang gera, pero ako pa rin ang hingalo
Bitin akong naghihintay...
Ano pang kulang sa sugatan?
Anong kulang pa hanggang sa huli?
Ang di ko naintindihan...

Lumisan ka, wag mong awatin ang Helium
Pagkat nagsisimula na akong maghilom
Umalpas ka, pakawalan kung anong humihigit sayo sa lupa
Bitawan mo, hayaan mo...
Ano pang kulang sa ginawa?
Anong kulang pa hanggang sa huli?
Ang di ko mapagtugma

Natuto ako, Nagising, Lumapag sa sarili kong bundok
Gumaan ang hawak, Sa kamao kumalas
Ang lobong di alam na tangay ang aking buhok
Narito na ko, iwanan mo na...
Pagkat ayoko ng bumitin sa lobo ng iba
Ilang taon mo kong tangay
Anong iyong hinihintay?
Ramdam mo ba sa tali mo ang aking mga kamay?

Lumapag na ako, at naging pinakamasaya
Nasa tuktok ako ng bundok, yapos ang aking ligaya
Pero nariyan ka pa rin,
Dumudurog sa katahimikan
Anong kulang pa hanggang sa huli?
Ang di natin pag-uusapan?





Tuesday, October 14, 2014

Filed Wander A Day!




Last year, I purchased the FILED Doodle Planner. Kaya ngayon, sana swertihin na makakumpleto at makakuha ng isa pang libreng ganitong klaseng ka-cool na planner. Tumpak, my soul mate planner, ang planner para sa mahilig maguri-guri, magkulay ng kung-anu-ano... sa mga sabik sa drawing dahil kulang na kulang ang mga araw at energy.





CLICK HERE FOR MY DEVIANT GALLERY OF WANDERADAY




Friday, October 10, 2014

Jumper


Isang talon na walang pinanggalingan
Talbog ng oras mula ngayon
At may taong naghihintay
puso rin ay nakakahon
Nakamaskara ang ligaya
Nakasaplot ng natural
Ang liligtas sa kanyang inip
Natapakan rin ng brutal

Isang talon, ilang hagalpak
Sinukbitan na ng pakpak
Mababaw lang pero lulundag
sasabay sa kanyang paglagpak
posted from Bloggeroid

Tuesday, September 16, 2014

Prinsesang Nakaupo sa Tasa ng Barakong Kape


Isang Prinsesa, nakaupo sa Tasa
Tasa ng Barako at Purong Kape
Nakababad, nakain-in, walang ibang pinapansin
Kundi ang papel at ang pluma
Lumalangoy, Sumisisid
Anong mundong nasa ilalim?
Anong sarap ng maligo, at sa mundo maging huli
Walang ibang naghahanap kundi siya...
Nakaupo sa tasa
Langhap ang aroma
ng Barako, Puro at Wagas na kape

Friday, September 5, 2014

Babasaging Oras



Isa itong malaking bugtong
na pinako sa kalawakan
Kung bakit di maihinto
ang mga buhangin sa orasan

Hindi mahihinto ang mga kamay
Ang bumagsak na'y di tataas
Gaya ng paglubog ng araw
Walang gabi na walang bukas

Hindi babagal ang mga tapsak
Kahit anong kaunti ng ulan
Hindi babalik ang mga bituin
kung kalagitnaan pa ng tanghalian

Isa itong malaking bugtong
na tanong pa rin sa kalawakan
Anong ititigil ng oras?
Anong ibabagal ng kaligayahan?



Tuesday, September 2, 2014

Prinsesa sa Tore


Masyado na akong huli sa isa sa pinakamatinding pinagdaanan ko sa buhay ko. Matagal, nakakainip, masakit at malayong talon sa kabilang ibayo. Lahat ng ito, gaya ng sabi ng mundo, parte ng buhay. Lahat ng ito, mas sulit pa sa libre, mas sulit pa sa sarap ng simpleng ligaya. Lahat ng ito, may ibig sabihin.




Ipagpapaliban ko ang lahat pagkatapos ng laban.

-Prinsesa sa Tore

Wednesday, August 6, 2014

Ang Diwatang Magkapatid at ang Perlas na Kwintas

Malalakas at mababagsik ang mga anak ni Inang Kalikasan. Alam ito ng lahat. May mga diwata ng kagubatan, diwata ng bundok, diwata ng mga ilog at talon... ngunit ang pinakamalalakas ay ang diwata ng karagatan. Bukod sa kanilang angking kagandahan, kinakatakutan sila ng lahat ng mga diwata, engkanto at lahat ng mga nilalang.

Subalit, bihira lamang sila nakikita. Ang sabi ng kanilang Ina, masyado silang malakas para lumabas at makihalubilo sa ibang nilalang. Masyado silang mapanganib para pakalwan sa kanilang kulungan sa pinakamadilim na ulap sa langit. 

"Hindi ko to ginusto! Isa akong diwata, hindi ako dapat nakakulong Inay!"

"Ako rin Ina, mas makakatulong kami sa aming mga pinanghahawakang teritoryo kung papalabasin niyo ako dito!"

"Pambihira kayo mga anak. Ngunit dapat niyong tandaan. Lahat ng diwata ng karagatan ay dapat lamang sa mga ulap. Lalo na kayong dalawa. Lalong-lalo ka na...", turo niya sa isa. "Alam mong bubuntot at bubuntot sayo ang kapatid mo kahit saan ka pa magpunta. Gusto mo bang manganib rin ang buhay niya?"

Umiling ito. Sa takot at respeto nila sa kanilang ina, nagpasya na munang tumahimik ang magkapatid. 

"Ano kaya ang itsura ng mundo sa labas nito, Ate?"

Napangiti si Ate. Sa isip niya sumasabog ang lahat ng kagandahang maluha-luha siya sa paglalarawan. 

"Narinig ko lamang ang mga kwento.", akbay niya sa kanyang nakababatang kapatid. "Pero may mga diwata ng karagatang nakakalabas ng ulap at nakakabalik pa rin dala ang kanilang napakawagas na karanasan. Nagsasabi sila ng tungkol sa mga magagandang tanawin, mga tuktok ng bundok na kay gandang sinagan ng araw... mga makukulay na kapatagan ng mga bulaklak... at mga ilog na sobrang bughaw ngunit tanaw pa rin ang lalim..."

Tuesday, July 1, 2014

Framed Landmarks

My Watercolor Paintings Second Series :)
Prang Watercolor on 190mmx270mm Berkeley Sketchpad
estimated duration per painting 4-5 hours each

Caffeine and Parisian Life

Waiting at Venice Station

Friday, June 20, 2014

Kung Paano Maligo sa Lubugan ng Araw


Bumuhos na ang laman ng takure sa aking dagat
Doon ako'y lulupagi at dadamhin ang alat
Habang damang-dama ang init
at hapdi ng aking palad


Ako'y pipikit at tatalikod sa ganda ng tanawin
Di magpapasilaw sa kadalian ng aking tatahakin
Sa tinitiis na anino at igpit ng mga mata
Maghihintay, magigipit na makaalpas at makawala

Wednesday, June 11, 2014

Tanawin Tanauan - Part 1

Tanawing Tanauan
Watercolor Painting Series Part 1
Presenting the Architectural Landmarks of Tanauan City, Batangas

Noon pa mang nag-aaral, napaibig na ako sa pagpipinta gamit ng Watercolor. Sinanay kami noon sa pagpinta ng mga dayuhang arkitektura gaya ng mga katedral at templo ng mga klasikong panahon. Napagisip-isip ko na kung kaya kong gawin itong mga sikat na sikat na mga gusali sa ibang bansa, bakit hindi ko ipangalandakan ang maipagmamalaking arkitektura ng aking pinagmulan. Kaya't narito ang ilan sa mga arkitekturang tanawin ng aking lungsod, ang bayan ng Tanauan.


TAHANAN NI JOSE P. LAUREL


Saturday, June 7, 2014

Nakamulat na ako at wala pang makita

San ka nakatingin
lampas sa dilim?
Naitatawid mo ba ang titig mo?
At nakukuha mo bang matuwa
sa liwanag sa ilalim ng dilim ng lahat

Hanggang kailan mo kayang tumitig
Sa kaiintay ng ilaw
Sa kakakapa ng lahat ng bagay
kung maitatawid ba ang titig mo
sa ilalim ng dilim ng lahat

Nakadilat ka pa ba?
Kahit alam mong pag pumikit ka
Madilim pa rin ang lahat
At kailan ito sasapat
para lumiwanag na 
at makita ka...
nakangiti sa pagdilat na tunay
at pag ngiting wagas
ng aking mga mata...

Tuesday, April 1, 2014

Grand Finale of 5 Years

Minsan ang hirap isa-isahin ng napakahabang panahon. At isa ito sa minsang iyon. Napakahaba pero kung iisipin ko ngayon, ambilis lumipas ng buhay estudyante ko. Siguro kasi hindi pa rin ako handa, siguro kasi wala pa rin akong alam na patutunguhan sa buhay.

Limang taon akong umakyat at unti-unting napapasabak hanggang sa maging mala buwis buhay na ang lahat. Sa prosesong yun, halos lagi akong nagrereklamo at lagi rin naman akong umaasa na matatapos ko to sa isang tira. At sa kadulu-duluhan hindi ko maikakaila, MAHIRAP TALAGA. Mahirap pero masaya ng magtapos ako ng kolehiyo ng BS Architecture.

Jeren!

Malaking hugot ng tinik sa dibdib at nakakawalangya talaga sa pakiramdam. Lalo na nung Baccalaureate Mass. Ewan ko ba pero hindi na natuloy yung auto-post ko mula sa Instagram at natigil na lahat ng mga picture tungkol sa buhay ko dito sa aking blog. Pero napakarami na ng nangyari mula noong ako'y makapag-graduate.

Napasalamatan ko na siguro lahat at nakuha ko namang makapagbahagi ng mga saloobin ko tungkol sa pagtatapos doon sa Interview with 5th Year Student. Sa ngayon, ito muna bilang tala sa mahalagang bahagi ng buhay ko. :)

Monday, February 24, 2014

Sa Dulo


Sa dulo nakaratay, naghihintay makita ka
Sa dulo nakaupo, ngalay na ngalay na
Sa dulo nakasipat, kung nagmamadali ka na
Sa dulo naaatat, kung aabot ka ba

Sa dulo nakabantay, kung uulit pa ba
Sa dulo nakaalalay, kung kakayanin pa
Sa dulo naghihintay, kung tinagal ka ba
Sa dulo magsasabi kung talagang tapos ka na

Sa dulo nakabingit kung sulit ba ang lahat
Sa dulo nakasukbit, kung ito ba ay sapat
Sa dulo nakasalalay, kung magiging masaya
Sa dulo nakaabang, kung san sunod na pupunta
***


Thursday, December 26, 2013

Buntong Hininga


Pwede ko bang langhapin ang hanging hindi akin?
Makilanghap man lang ng malulutangan
Sa pusod ng dagat na ito
Makabawi ng hinga,
sa ragasang ubos ng langoy
Pagkat di inakalang hanggang dito idadaloy

Friday, December 20, 2013

Minsan may ikaka-takot pa ang lahat...



December. Habang tumatagal pala nag-iiba na ang ibig sabihin ng palamig na ng palamig kapag malapit na ang pasko. Global Warming nga. Malay ko ba nun noong bata ako. Sing gulo ng panahon ang buhay kapag ganito na kalapit sa "petsa" ang lahat.

Iba ngayong taon. Ngayon ko lang napansin na limang araw na lang bago magpasko. Puro na lang thesis at hindi makamundong adhikain ng kadalian ng lahat. Tuwing gabi, ang hirap makatulog. Bukod sa konsyensya sa mga oras na ikina-tengga ko lang, at kawalan ng diretsong pangungusap para ipaliwanag ang lahat ng itinatakbong walang kwenta ng utak ko ngayon.

Minsan may ikakatakot pa ang lahat. At ngayon, wala ako noon. Mahirap kasing lamunin ng takot lalo na sa mga panahong dapat sana, nagpapakabakasyon ka man lang. Sino ba namang nagsabi sa aking pilitin ko, hindi ba? Sino bang nagsabi sa aking magpakatamad ako sa mahabang panahon? Wala naman a. Kaya sinong sisisihin ko? Ang mabagal na oras, o ang takot ko sa paglipas ng panahon?

Kung makakahingi lang ng text votes para sa suporta at tulong sa thesis, nagpromote na ko sa facebook noon pa man. Pero sabi ko nga, kaya naman to. Akala lang ng lahat, napakaliit ng butas na lulusutan namin, pero minsan, maawa naman sila, mas may ikakatakot pa ang lahat.