Thursday, August 8, 2013

Mga Tips Para Maging Masipag sa Thesis

Una sa lahat, sabihin na lang nating ang kasipagan ko sa thesis ay hindi gaya ng kadalasang pagbaha sa España. (Labo ng metaphor) Gusto ko lang ipamahagi dito ngayon, ang mga nagpapabuhay ng aking dugo para magsipag sa thesis, labanan ang tukso ng tulog at maging "konsyensya-free" "productive" at "fulfilled" sa bawat hakbang ng pag-usad sa thesis. Ang lahat ay base sa aking mga karanasan, at malay ko ba? Baka epektib rin sa iba?

1. Huwag umasa sa mood, sa wisyo at inspirasyon. 
Ilang beses na kong napapabayaan nang inaasa ko sa wisyo/mood ang aking buhay. Nainspire rin ako sa isa kong nakitang quote dati ni Octavia Butler, “First forget inspiration. Habit is more dependable. Habit will sustain you whether you're inspired or not. Habit will help you finish and polish your stories. Inspiration won't. Habit is persistence in practice.”


Ang tunay mong aasahan ay ang disiplina mo. Lahat madalas tinatamad, naghihintay na ganahan para maging productive. Pero saan manggagaling yun? Sa Outer Space? Bigla na lang bang babagsak na parang shooting star ang kasipagan mo at magiging Super Saiyan ka?!




2. Takutin ang sarili. 

Hindi yung manonood ka ng Horror movies at sisindakin ang sarili para hindi makatulog (pero baka effective nga, di ko pa nasusubukan) Pero tipong pananakot sa sarili na... "Sige, Cess! Pag di ka naggawa ngayon, hindi matutupad ang super wish mo sa Venice!" "Sige! Pag nakatulog ka, paggising mo may pimple ka! Yung malaki! YUNG MASAKIT! YUNG PULA! YUNG Nasa ilong!!! at GRAD PIC NA BUKAS!" 


3. Konsyensyahin ang sarili.
Ganito lang kasi yun. Magkano yung tuition fee mo nitong College? Nakabili ka na sana ng ilang kotse, hindi ba? E isama mo pa yung highschool at grade school mo? Yung gastos mong malupit dahil sa pinili mong kurso? O. ang bigat di ba? Isipin mo na lang ang pinagkahirapan ng mga magulang mo para lang mapag-aral ka, tapos eto, simpleng type lang sa MS Word at Pagpipiga at tirintas ng utak para sa tamang English, HINDI MO MAGGAWA?

Tapos ngayong 5th year ka na, magkano pa rin tuition mo, mare? Ang onti na nga ng units mo di ka pa pumapasok. Wala yan sa walang kwentang prof/klase... ang mahalaga ay nagbayad ka para mag-aral, at ang lugi mo ay hindi ka pa pumapasok. (sumasapol to sa aking masakit ngayon, ayoko kasi ng feeling na sayang ang uniform sa pagpasok)


4. Mangarap ng gising.
Yung wallpaper ko, Venice. Kasi pangarap ko talaga makapagsagwan dun balang araw. Para ganahan ka sa thesis, isipin mo na lang na ISANG MATINDING TUMBLING na lang to, at tapos na ang lahat. Makakapagmarch ka na sa march... with matching toga... with matching UST Hymn at ang last picture nyo ng magbabarkada. Naiisip mo na rin ang reunion niyo ilang taon ang makakalipas... at tatawanan niyo na lang ang lahat ng paghihirap na ito! Marami ka ng project, may hasyenda ka na at palasyo! at marami kang chimay para gawin ang mga bagay-bagay! May driver ka na! Maganda na ang Maynila... Nakaisip na sila sa wakas ng ultimong solusyon sa trapik at bus ban! Pero teka... saglit ka lang mangarap... kasi mamaya, baka makatulog ka na. 

5. Huwag maggawa sa kwarto. o sa kahit anong may kama/ sofa na malambot o unan. 
Kahit may study table ka sa kwarto, huwag ka gumawa doon. Maya't-maya'y tutuksuhin ka ng kama mo at ang malambot na unan. Tag-ulan pa naman ngayon at kung hindi nama'y mahangin at malamig ang panahon. Ako, may spot ako sa salas namin na matigas yung upuan. Sa kawalan ng choice, natapos ko naman yung ginagawa ko kagabi.


6. Sabihin sa magulang ang lahat ng ginagawa mo sa thesis mo. 
Para ka ng may prof sa bahay. 
"O, anong ginagawa mo?" 
"Thesis po?" 
"Ah, ano sa thesis mo?" 
"Eto po, site research" 
"Ah... akala ko ba space program na ginagawa niyo dapat ngayon?" 
"HO?!" 
"Oo, nakalagay dito sa schedule niyo na deadline niyo na raw bukas a..." 
"Pano kayo nagkaschedule ko?!" 
"Binigay sa akin ng Papa mo, iinterviewhin niyo na raw kasi sa isang araw yung kaibigan niyang Engineer" 
"HUWAAT?!" 
 "O, pumasok ka bukas ha? Baka kulang ka na sa units at di ka na laging pumapasok. Mamalayan na lang namin di ka na pala gagraduate!" 
"-_-"
7. Magpaconsult sa ibang mga prof... mapa-Super bait man... Terror man o Ultimate Expert. 
Sabi nga, kailangan pa rin naman lagi ng 2nd opinion... o kahit 3rd, 4th, 5th, 6th, 7th, 56th opinion. Minsan may magpapayo sa'yo ng mga dapat mong gawin at dapat mo pang idagdag na para sa ikagaganda ng thesis mo. Mas gaganahan ka, hindi ba? Mas magkakaroon ng direksyon ang thesis mo, pag nagkaroon ka na ng different paths at ideas.

Ang pinakadeds lang... Wala ng mas magpapatorete sa'yo pag sinapul ka ng isang prof na sabihin sa'yong, "panget ang proposal mo, ulitin mo yan." Wag mong masyadong ikalumo... Sabihin mo na lang, buti na lang napigilan ka agad. Bago mo isinugod ang sarili mo sa gera, nalaman mo na agad na wala palang lamang bala ang baril mo. 

8. Magset ng deadline sa sarili, tapos may reward pagkatapos nun. 
Halimbawa. Biyernes, dapat tapos ka na sa pagsusummarize ng mga survey at questionnaire responses mo. Sabado, iset mo na papahiramin ka ng kaklase mo ng hard drive para kopyahan ka ng isang season ng TV Series at manonood kang maghapon. :) Pwede rin namang, mamayang alas tres dapat tapos na ako, para may dalawang oras pa ako matulog,manood ng TV Series, maglakwatsa at magmerienda... bago magklase mamayang 6pm. 

9. Magsuot ng corporate/ uniform / kumpletong porma... Kahit walang pasok, kahit nasa bahay ka lang.
Dalawang beses ko pa lang to natatry, at maganda naman ang kinahinatnan. Nung una, nagkataon lang na nasa labahan ang lahat ng mga pambahay at yung blouse na maganda ang natitira sa dresser. Corporate yung dating at para bang nakakatalino kapag ang office ng suot. 

10. AT ANG ULTIMATE. Magtanong sa mga masisipag na kaklase. 

o DIBA? pero wag mong masamain ang sadyang angking kasipagan. May mga tao talagang pinanganak na nanghihinayang sa kanilang lakas at oras na naitutulog/ walang ginagawa. Sa halip, maencourage ka para sabayan siya, para hindi ka mapahiya sakaling tanungin ka rin niya? 



Muntik ko na ring ilagay na idisable ang facebook o ipaputol ang internet. Pero kailangan talaga ang internet rin para sa research e, kailangan rin ang facebook para sa pangungulit ng survey, tanungan magkakaklase at sa announcement kung walang pasok. 

Sa ngayon, eto lang naman. Wala akong maisip na ibang closing kundi mag-goodluck sa mga kapwa ko nagliliwaliw sa thesis ngayon. Walang madaling thesis. Meron lang mga Individual Thesis kagaya ng mga arki, di gaya ng ibang colleges na groupings ang thesis. Wag matakot humingi ng tulong dahil kailangan nating lahat yan. :) 

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?