Wednesday, August 6, 2014

Ang Diwatang Magkapatid at ang Perlas na Kwintas

Malalakas at mababagsik ang mga anak ni Inang Kalikasan. Alam ito ng lahat. May mga diwata ng kagubatan, diwata ng bundok, diwata ng mga ilog at talon... ngunit ang pinakamalalakas ay ang diwata ng karagatan. Bukod sa kanilang angking kagandahan, kinakatakutan sila ng lahat ng mga diwata, engkanto at lahat ng mga nilalang.

Subalit, bihira lamang sila nakikita. Ang sabi ng kanilang Ina, masyado silang malakas para lumabas at makihalubilo sa ibang nilalang. Masyado silang mapanganib para pakalwan sa kanilang kulungan sa pinakamadilim na ulap sa langit. 

"Hindi ko to ginusto! Isa akong diwata, hindi ako dapat nakakulong Inay!"

"Ako rin Ina, mas makakatulong kami sa aming mga pinanghahawakang teritoryo kung papalabasin niyo ako dito!"

"Pambihira kayo mga anak. Ngunit dapat niyong tandaan. Lahat ng diwata ng karagatan ay dapat lamang sa mga ulap. Lalo na kayong dalawa. Lalong-lalo ka na...", turo niya sa isa. "Alam mong bubuntot at bubuntot sayo ang kapatid mo kahit saan ka pa magpunta. Gusto mo bang manganib rin ang buhay niya?"

Umiling ito. Sa takot at respeto nila sa kanilang ina, nagpasya na munang tumahimik ang magkapatid. 

"Ano kaya ang itsura ng mundo sa labas nito, Ate?"

Napangiti si Ate. Sa isip niya sumasabog ang lahat ng kagandahang maluha-luha siya sa paglalarawan. 

"Narinig ko lamang ang mga kwento.", akbay niya sa kanyang nakababatang kapatid. "Pero may mga diwata ng karagatang nakakalabas ng ulap at nakakabalik pa rin dala ang kanilang napakawagas na karanasan. Nagsasabi sila ng tungkol sa mga magagandang tanawin, mga tuktok ng bundok na kay gandang sinagan ng araw... mga makukulay na kapatagan ng mga bulaklak... at mga ilog na sobrang bughaw ngunit tanaw pa rin ang lalim..."

Napabuntong hininga sila sa pangangarap ng gising. 

"May narinig akong kwento mula kay Tiyo Mileño, May isang lugar raw na nagtataglay ng pinakamagandang perlas sa balat ng lupa. At lahat ng diwata ng karagatan ay nagpupunta roon para lamang kunin ang perlas, pero simula't sapul wala pa ng nakakakuha nito."

"Nakuha ba ni Tio Mileño ang perlas?"

"Hindi. At wala na siyang balak bumalik sa lugar na iyon."

"Napakaganda siguro nito para sa ating koleksyon ng mga alahas, ate..."

"Nasa isip ko rin ito..."

Napakadilim ng gabi noong Oktubre. Nagkasundo silang tumakas at puntahan ang kinapipitagang perlas na yon. At di nila akalain, na sa isang bukas sa pinto ng mga ulap, kumalas sila at pumatak sa langit. 

"Ate, nakakatakot!"

"Wag kang matakot sa sarili mong kapangyarihan!"

Dumagundong ang mga kulog. At nagsimula ng magkislapan ang mga kidlat. Sa mga kamay ng nakakatandang kapatid, umikot ang mga ipo-ipo at lumaki ng lumaki sa kanyang palibot. Sumisipol na ang buga ng hangin. At ramdam na nya ang kuryente sa kanyang mga paa. 

"Ate! Tigilan na natin to.", nanginginig na siya sa galit. "Bumalik na lang tayo sa ulap!"

Hindi na niya narinig ang kanyang kapatid. Nagmadali ito pabalik sa ulap ngunit naharang na siya ni Inang kalikasan.

"HINDI! BAKIT KAYO TUMAKAS? LALO NA ANG ATE MO?!"

"BAKIT PO INA?"

"SIYA ANG PINAKAMALAKAS!"

Sa isang iglap, ang pinakamalakas na bagyo ay lumapat sa karagatan. Ang buong kalangitan at ang mga anak ni Inang Kalikasan ay nagkagulo.  

"San siya pupunta?", tanong ng Ina. 

"Sa perlas po..." Nangingintab na ito ng matanaw nila. Ito nga, ito maaari ang pinakamagandang perlas na nakita ng mundo.

"Hindi! Masyadong malakas ang kanyang mga kamay para hawakan ang perlas!"

Pero huli na ang lahat. Sa mga kamay ni Yolanda madaling napigtal ang mga perlas. Nagkalasan sa nagdurugtong sa mga ito, at pumatak ang lahat sa dagat! Sa kaunting buntong hininga niya ay nagliparan ang mga ito, ngunit di niya rin ito nasambot. Nanggigil siyang mahawakan ang mga ito, pero padampi pa lamang siya ay pumipiglas na ang mga perlas... 

"Kailangan ko siyang tulungan! Kailangan ng makabalik dito ni Ate bago niya magunaw ang lahat!"

"HINDI GLENDA!"

Pero mas huli na rin ang lahat. Sa isang kisap mata, sa halip na makatulong, mas lalong pumiglas ang mga perlas na kwintas. Sinubukan ni Glenda damputin ang mga nalaglag na perlas sa dagat,  pero napipisa na parang lobo ang mga perlas. 

Nanlulumo ng umalis si Yolanda, ngunit naroon pa rin si Glenda, pinipilit ibalik ang lahat sa dati, ngunit pinalala lang niya ang lahat. 

Sa galit ni Inang Kalikasan, hindi na sila muli pinabalik sa mga ulap, sa halip ay ibinaon sa pusod ng karagatan, ang magkapatid na diwata na nagsira sa pinakamagandang perlas na kwintas sa mundo. :)


4 comments:

  1. wow ang ganda ng kwernto.my lesson pa sa halip na mkatulong dhil sa knilang pagsuway lalo png lumala;;;;;yan ang kwentong dpt bshin ng mga kbataan my mga matutunan tlga,.

    ReplyDelete
  2. ASTIG ANG KWENTO DAHIL MAY YOLANDA

    ReplyDelete
  3. waah!! ang ganda!! magugustugan to nga mga mahihilig sa greek myth

    ReplyDelete
  4. sino sino po ang mga tauhan?

    ReplyDelete

so, whatcha say?