Tuesday, October 1, 2013

Ang Mga Hindi Totoong Kwento sa Bahay na Bato

“Lola Benyang! Lola Benyang! Dali, ikwento niyo po ulit yung kinuwento niyo sa akin kahapon!”, nagmamadaling lumapit si Audrey sa matanda. Nakaupo sa tumba-tumba, at nakatanaw sa bintanang kapis. Bahagyang nagising sa muntikan na namang mapaidlip sa katanghalian ng alas-dos.

“Andito po si Tam, dali na po ‘la!”, mano silang dalawa.

“Ha?”, napapaatras pa ang boses ni Lola Benyang. “Sino ga ireng Tam?”

“Si Tam po! Anak ng manugang niyong si Mae. Apo niyo po… Pinsan ko po ‘La.”, paliwanag naman ni Audrey. Nakangiti pa rin sa matanda. “Ako po ba kilala niyo?”

“Ah… eh…” Napakamot pa sa ulo. Sabay taas ng salamin sa rurok ng ilong, at lumiwanag ang mukha ni Audrey sa kanya. “Hindi ga ika’y anak ni Reynaldo? Aba’y hindi kita malilimuta’t ika’y napakakulit na bata… Ika’y laging nakakatikim sa itay mo, hindi ga? Tanda ko pa noong ika’y muntikan ng magdagasa sa bisikleta! Inangkupow namang RUDEH! Ano nga gang pangalan mo…”

“Eh.. Audrey po ‘La… ako nga po yung mga yun…”, utas naman si Tam sa kakapigil ng tawa.

“Ay ayun. Pasensya na apo… Pag sadyang nalipas ang panaho’y kumukupas na ang mga alaala… lalo na ang mga pangalan… ngunit ang mga kwento’y napakaliwanag pa rin para sa akin…”

“Ayan na.. ayan na…”, siko ni Audrey kay Tam. Naupo sila sa makintab na kahoy na sahig. Mukhang bagong bunot pa at napahiga pa si Tam sa lamig nito. Yapos ang unang hinablot mula sa malayong sopa… at higop ang RC sa plastic na may straw, nadala sa nakalipas ang dalawang bata.



Ang lahat nama’y marupok ang alaala sa mga musmos na gulang… Pero isa ang lagi kong naaalala. Sa tapat ng bahay na ire, doon kami nakatira. Dalawang palapag rin, tapat ng puting-puting bahay na bato.

Lagi ko noong naaalala ang mga kwento sa akin ni Inay, habang ako’y nakasampa sa pasamano ng aming bintana… Nakikinig sa kwentong pag-ibig nila ni Itay. Mula noong sila’y magkakilala sa ilog habang si Inay ay naglalaba, hanggang sa mahantong sa tuluyang panliligaw ni Itay, at ang kanilang pagkakasal. Wala akong higit maalalang detalye, ngunit naaalala ko ang mukha ni Inay, habang siya’y namamalantsa, nagtitiklop ng damit o nagwawalis…

Napakatingkad ng mga mata, na parang bawat pangungusap ay isang kanta… at madalas, nakikita ko silang dalawa, napaka-wagas… walang kupas na hinugot mula sa planeta ng pag-ibig… at wala akong ibang hinangad sa buhay kundi maging kagaya ng nanay ko…

Napakasaya niya, kahit sa simpleng buhay namin noo’y ni minsan hindi ko siya nakitang magalit kay Itay. Ni minsan di ko siya nakitang lumuha… o marahil hindi lang niya ito pinapakita sa akin…

Napakabata ko pa noong una akong mapahilig sa pagsusulat. Hindi ko na maalala kung paano ko nahumaling, pero naaalala ko pa kung paano ako noon nagsusulat sa bintanang kapis, nagbubuo ng mga kwento sa aking kwaderno. Naaalala ko pa ang itsura nuon. Balat na kulay kayumanggi… at may kandado itong tanso, na hugis bulaklak na rosas. Naaalala ko pa ang amoy ng mga papel nito… at ang tinta… ang mga kwento kong tungkol sa mga pamilya, kaibigan at pag-ibig…

At ang laging tagpuan ng mga ito, ay iyung bahay na batong puting-puti, sa tapat ng aking bintana. Hindi ko na rin maaalala kung sino ang mga nakatira sa bahay na iyon. Para bang sa tuwing sisilip ako’y iba na namang tao ang dumudungaw sa bintana. Ang sabi ng inay, ay wala raw nagtatagal sa bahay, dahil may nakatira ditong hindi nakikita ng lahat.

Pamilya. Bagong mag-asawa. Malaking Pamilya. Lahat sila napatira sa bahay na iyon, at ni minsan di ko nakilala sila. Napakatahimik kong bata noon, ni wala akong malapit na kaibigan noong ako’y hayskul. Hanggang sa isang araw, pumasok ako bitbit ang aking kwarderno ng mga kwento.

Malakas ang ulan sa eskwela at bitbit ko ito habang naghihintay ng paghupa. Lumapit siya sa akin, at kinausap ako…

“Matagal pa bago tumila yan…”, bitbit ang payong, dalawang baitang sa ilalim ng maragasang ulan. Hindi ko siya kilala, kaya hindi ko siya sinagot.

 “Taga Agoncillo ka di ba? Gusto mong makisabay? Malapit lang rin ako doon…”

 “Hindi kita kilala…”

“Ah, pasensya na… Emong”, inabot ang basang kamay para kamayan ako.

“Sylvina”, sagot kong pilit.

“Alam ko… kaklase kita simula elementarya…”

Hindi ako nagulat. Hindi ako yung tipo ng taong madaling makipagkilala. “Tara”, ang aya niya.

“Mababasa ang gamit ko”

“May payong naman ako e”

“Hindi, mahalaga ito.”

“Sige, ilagay mo muna dito sa supot ko. Hinding-hindi yan mababasa. Nandito rin yung libro ko.”

Pumayag akong panandaliang bitawan ang mga kwento ko. At matahimik niya akong hinatid, hanggang sa tapat ng aming bahay. Hindi ko lubos maalala kung nagkukuwento siya habang kami noo’y naglalakad. Malakas ang ulan, at ang tangi ko lang naaalala, ay ang ngiti niya sa tuwing napapatingin ako sa kanya.



“AAY!! JUSKO!”, napataas balikat, magkakapit na kamay, wagas na ngiti, kilig to the bones si Audrey!

“Ingay mo, wag ka ngang spoiler!”, sabi naman ni Tam. “Sige po ‘La, tuloy niyo na po.”
Napangiting mapungay si Lola Benyang, napasandal sa tumba-tumba, at itinuloy niya ang kwento habang nakatingin sa bintanang kapis muli…


Asan na nga ba ako… ah… si Emong… Hindi siya importante sa aking kwento… ng mga panahong iyon. Maliban na lamang nung makalimutan ko sa kanya ang kwaderno ko noong gabing hinatid niya ako sa bahay. Nagalit ako dahil hindi ko siya nakita ng isang linggo… at noon lang niya nabalik ang aking kwaderno.

Makatapos niyon, Lumipas ang buhay eskwela ko ng hindi ko na siya nakikita. Napuno ko na ang kwaderno ko, at muli’t-muli… binabasa ko ang mga iyon. Habang nakatanaw, nakaupo sa pasimano, iniisip ang mga tauhan ng aking kwento sa bahay na bato sa tapat…

Lumipas ang ilang taon at lumuwas ako ng Maynila para magkolehiyo, at ng makabalik ako sa bahay, tanaw ang aking pangarap na tagpuan, ay nanlumo ang aking paningin. Hindi maipaliwanag na hinayang sa hindi natupad na pangarap. Hindi na puti ang kulay nito. Marumi na ang mga Ventanilla at nagbabagsakan na ang mga kisame. Napansin ko ring kulang-kulang na ang tegula sa bubong.

“Matagal ng walang tumitira sa bahay mo, Vina…”, si Inay, nakaupo sa Sala habang nagtitiklop ng damit.

“Hindi po akin ang bahay na iyon.”

Nawalan siya ng kintab sa aking mata. Noon kahit patay ang mga ilaw, napakaliwanag niyang tingnan sa ilalim ng buwan. Ngunit noong gabing iyon, napakadilim niya. Aninong tinubuan ng mga bintana. Hiniling kong ako’y nananaginip lamang…

Bata ako noon, dalaga na pala… kung tama ba… Naaalala ko pa kung paano ko simpleng-simpleng natalon ang bakod noon sa dilim ng hating gabi. Pumuslit ako sa mataas nitong mga damo, nagdadasal sa loob-loob ko na walang…

“AH POKNAT NA! TANGNA SYET AHAS!!! INAAAAAAAANG!!!”, Karipas akong magaling papanhik sa mga baitang ng harap ng bahay. Napasandal ako sa pintuan, at natulak ko ito sa pagbukas. Sabay kiskis ng nakakangilong ngiwi ng pintuang gato. Naninindig ang balahibo ko. Naaalala ko pa ang hishis na bulong ng buwisit na ahas na iyon. Buti na lang, hindi ito palaka.

Ito maaari ang naaalala kong pinakamalakas na lumabas na sigaw sa buong buhay ko. Sabi ko nga, hindi ako ganun ka-salita na tao.

Habol ko ang aking hininga, at napatingala ako sa mataas na hagdang bumati sa akin. Sa dilim, nasisinagan ng sinag ng buwan sa mga butas na kapis sa mga bintana… ang kakaibang lamig ng hihip ng hangin sa loob, at ang malayong kalansing at batingting ng mga nililipad na salamin sa chandelier.

O, Apo, hangin na lang ang sinisipsip mo diyan sa iyong sopdrinks, aba’y kakabagin ka niyan!

Asan na nga ba ako… Ah.. Ayun.. Sa loob noong bahay. Umakyat akong dahan-dahan. At ngumingiwing nakakangilo ang bawat yabag ko. Kaya’t nagmadali na lang ako pumanhik para isang ingay na lamang ang lahat. At doon, nakita ko ang isang makintab na napakaitim na uri ng kahoy… balot ng sapot, agiw, at parang lahar na buhangin. Itong unang nakuha ang aking mga mata… naupo ako, sabay buga para maliwanagan ang lahat… at binuksan siya ng dahan-dahan…

Sa unang tipa pa lamang na aking pinindot. At umalingawngaw itong wagas sa katahimikan ng madilim na bahay, ay nakuha na nitong buhayin ang pagmamahal ko sa musika. Hindi ko na maalala kung paano ako umalis sa bahay ng gabing iyon. Naaalala ko pa ang kanta… ito’y itong Kundiman na kinakanta ng itay noon kay Inay…

Sa tuwing uuwi ako noon galing Maynila, madalas akong pumupuslit sa gabi, para lamang tumugtog sa bahay na iyon. Ang kuru-kuro ng mga kapitbahay… ay may naririnig raw silang nagpaparamdam sa bahay sa tuwing hating gabi. Hindi nila alam, na ako iyon.

May mga ilang gabing nagdadala ako ng ilaw sa loob ng bahay. Nalibot ko na ito. Tanda ko pa itong banggerahang may nakalagay pang Lana na mga plato. Ni minsan hindi ko ito ginalaw. Naaalala ko pa rin itong mga magagandang suklay sa harap ng Malaki at magandang salamin. At ang pinakamaganda sa lahat, ay itong tasang puti sa loob ng aparador. Hindi ko na maalala kung nabuksan ko ba ito o hindi. Ngunit itong puting tasa na may guhit ng pulang rosas at may guhit ng ginto sa gilid nito, ang siyang nakaagaw pansin sa akin. Hindi ko na maalala kung bakit. Pero kahit kailan, hindi ko makalimutan ang tasang ito.

Lumipas ang aking panahon. Ang sabi ng mga matatanda, ay ako raw ay napag-iiwanan ng panahon. Natuklasan ni Inay ang aking pagtakas papunta sa Bahay na Bato, hindi ko matandaang siya’y nagalit ngunit mula noong araw na iyo’y binalak ko ng hindi na bumalik sa bahay na iyon. Nararamdaman kong parang wala na akong kinabuluhan sa buhay dahil lamang sa pananatili sa nakalipas… sa nakalipas na hindi naman nangyari. Ako ay mag-isa at iyon itong parte ng iyong buhay na iniisip mo… Kung may patutunguhan pa ba ako?

Ilang araw ang nagdaan, natatandaan ko, ay may nagtatanung-tanong na Manilenyo sa mga Inay. Di ko napigilang marinig ang kanilang mga tanong.

“Ale, maaari po bang matanong kung sino po ang may-ari ng lupang ito?”

“Pasensya na po, hindi po namin alam. Bakit po ba?”

“Ah, balak ko po kasing bilihin?”

“Aayusin niyo ang bahay?”

“Hindi po e. Balak ko pong tayuan ng hilera ng tindahang mapapaupahan. Tapos po, balak ko sana may mga kwarto rin na maaaring paupahan sa taas… Napakaganda po kasi ng lugar niyo dito. Malapit sa eskwelahan, maraming kabahayan… tiyak na malakas sa negosyo. Ang swerte pa po’t kitang-kita sa daan at-“

“Teka po. Hindi po pinagbibili ang lupa na yan.”, lumabas itong hindi inaasahan sa akin.

“Ah, pasensya na po, wala po kayong narinig…”, agad atras ni Inay sa akin, pahigit papanhik sa loob ng bahay.

“Hindi Inay. Alam kong hindi pinagbibili ang lupa na iyan.”

“Maaari ko ba pong malaman kung sino ang may-ari ng lupa? Baka sakaling makumbinsi ko siyang tanggapin ang aking iaalok?”

“Hindi. Kilala ko po ang may-ari at hinding-hindi niya po ito ibebenta, gigibain at papalitan ng walang kalatuy-latoy na gusaling tanging pera lang ang intensyon.”

“Vina, halika, pumasok ka na.”

“Hindi Inay. Ito ang unang beses sa buhay ko na may gusto akong ipaglaban.”

“Matapang ka, iha. Ngunit kailangan ko pa ring makaharap ang naghahawak ng titulo nito.”

“Talaga po. Magkita po tayo ulit sa isang linggo, sa tapat ng bahay na iyan, at papatunayan ko sa inyong may nagpapanghawak ng titulo ng lupang ito. At hinding-hindi niya ito ipinagbibili!”

“Kung gayon, tumupad ka sa usapan. Kapag di ka dumating kasama ng iyong patunay… ay magsisimula na ang demolisyon ko sa mga bakod nito, sa araw na iyon.”

“HINDI! ANONG KASAKIMAN!”, ito iyong pangalawang beses na sumigaw akong pakiramdam kong, pinakamalakas na lumabas sa akin.

“Nagsisinungaling ka, iha…”

“Hindi po! Hindi! Hindi ko hahayaang gibain niyo ang bahay na iyon!”

Hindi ko na maalala kung paano natapos ang gabing iyon.

Ang dami namang hindi maalala at naaalala ni Lola
He! Ano ba Audrey, sshhtt!

“Ang naaalala ko lang ay ang mga sigaw ni Inay, unang beses na nakitang magalit at sumabog sa luha. Sa matinding kahibangan ko upang sumagot sa isang dayo… Saan raw nanggaling ang masamang ugali ko? Saan ko raw namana ang galit ko? Ni minsan, hindi ko siya nakakitaan nito, at hinahanapan niya ako ng dahilan kung paano ito lumabas sa akin. Noon ko napagtantong, hindi alam ng nanay ko, na hindi namamana ang galit, hindi namamana ang paninindigan… at hindi namamana ang ipinaglalaban.

Ilang araw akong gigil sa paghahanap ng ikalulusot ko sa gulong iyon. Hanggang sa nakasalubong ko ang isang pamilyar na mukha sa harap ng gate ng bahay.

“Ikaw?”

“Oo, ako nga.”, napangiti siya. Kapansing-pansing lumilipas na nga ang panahon sa kanyang tikas… sa kanyang tindig at mukha. Pero ayun pa rin ang kanyang maginhawang ngiti. Hinding-hindi nagbabago…

“Anong ginagawa mo dito?”

“Balita ko, ipinaglalaban mo daw na di gibain nung taga-Maynila itong lumang bahay na ito.”

“Pano mo nalaman?”

“Basta… Kahit saan naman ngayon, mabilis na ang balita.”

“Siguro nga, sa lakas ng boses ko noong isang araw, malamang may nakarinig na iba…”

Napatawa siyang malakas, at napaatras ako sa insulto. “Anong nakakatawa?”

“Wala lang. Iyon ata ang pinakamahabang pangungusap na nasabi mo sa akin.”

Hindi ako sumagot. Sa halip, walang ibang salita, ay nag-asta akong palayo, pauwi sa aming bahay…
“Sylvina…”, ang habol niya. “Kaya kitang tulungan.”

Napatigil ako. Sabay bagsak ng ulan sa gitna ng kalsada… at nandoon siya. Agad na may bukas na payong at lumapit sa akin. Hatak ang aking braso pasilong sa kanya.

“Bakit? Paano?”

“Basta… tumupad ka sa usapan niyo. Ako na ang bahala.”

“Hindi madaling pagtiwalaan ang taong nagsasabi ng “ako na ang bahala” "

“Anong batayan mo sa mga tiwala at sa mga tao?”

Hindi ako nakasagot at hindi ko na maalala ang pagtapos ng gabing iyon. Naalala ko ang isang linggong walang kupas na kahibangan sa wala. Hindi ko maalis ang isip ko sa bahay… at sa pangako ng estrangherong alam ko namang hindi ko maasahan.  

Nanlulumo akong pumunta ng araw na iyon sa bahay. Alam kong naroon ang taga-Maynila. Alam kong naroon ang kanyang mga tauhang handa ng ipagiba ito. Alam kong wala akong ibang aasahan. Alam kong katapusan na ng lahat. Alam ko na ang kasawian ko sa buhay at ang kabayaran ko sa pagiging walang pake sa mundo… Kundi ako...

“O, iha, may sasabihin ka ba sa akin?”, hawak niya ang isang malaking martilyo. Naalala ko pa kung gaano kamukhang kabigat ito at ipinaiikot-ikot niya sa kamay. Hindi ko maalala kung ano pa ang mga sinabi niya. Pero tanda ko pa kung gaano ko ipinilit na HINDI AKO MATATALO.

“Wala kang karapatang gawin to”

“Asan ang sinasabi mong patunay?”

“Hindi ko kailangan ng patunay! Hindi ba kayo nakokonsyensya sa gagawin niyo? Wala ng ibang bahay sa mundo ang kagaya nito! Ang nasa loob ng bahay na yan ay may halaga at higit sa lahat may kwento!”

“Aanhin ko ang kwento? Mapagkikitaan ko ba ito? Alam mo iha? Kaysa sa nakatiwangwang yan sa wala at wala namang pakinabang, mas mabuti na itong balak ko hindi ba. Tataas pa ang halaga ng lupang ito!”

“Hindi… hindi…”

“Iha, tanggapin mo na ang katotohanan.”

“Pasensya na po. Pero hindi po ipinagbebenta ang bahay na ito.” Narinig ko ang malutong na bagsak ng isang papel sa tabi ko. Andito siya…

“At ikaw si…”

“Guillermo Ollina IV, ang apo sa tuhod ng Guillermo Ollina na siyang nakalagay na may-ari ng lupang ito sa titulong hawak ko.”

“Pwes anong katunayan mong ikaw nga ang tagapagmana nito?”

“Dahil ako lang ang natitira niyang apo sa aming henerasyon. Naalala ko noong una akong dumating dito sa bahay na ito. Bukas ang bintana at nagpapakain ang Lola ng mga pusa sa baitang, habang tahimik na nakikinig sa naghaharana sa kanyang anak…”

Alam ko ang kwentong iyon. Ang pangatlo sa aking kwaderno tungkol sa lola na mahilig sa making sa harana at ang pag-ibig nila ni Lolo na muling nabuhay ng hinarana siya muli nito.

“Naaalala ko rin noong una akong nanligaw doon sa nagrenta ng bahay na ito ilang taon na ang lumipas. Binuhusan niya ako ng tubig at napaayaw rin ako sa kanya. Ngunit sa huli, ako ang hinabol niya.”
Pang labing apat na kwento sa kwaderno. Hindi ko gusto ang katapusan ng kwentong iyon.

“Naalala ko rin nung sinayaw ko ang mahal ko… habang tumutugtog sa piano ang aking inay… habang si itay ay kumakanta.”

Ang paborito ko sa lahat. At naroon pa ang liriko ng kundiman nila inay at itay sa kwentong iyon.

“Ah sige! Oo na! Oo na! Naiintindihan ko na!”

Hindi ko maalala kung paano umalis ang taga-Maynila at ang kanyang mga kasamahan. Pero naalala kong tulala akong walang masabi hanggang sa muntikan na naman akong maabutan ng ulan. Umuwi akong walang salita. Hindi na ito bago sa aking mga magulang, pero bago ito ngayon dahil alam nila ang nangyari kanina.
Ilang araw ang lumipas, at may kumatok sa pinto. Binuksan ko ito…

“Una sa lahat…

“Magandang Umaga…”

“Hindi maganda ang aking umaga. Una sa lahat. Gusto ko lang kumpirmahin na binasa mo nga ang kwaderno ko noong naiwan ko sa iyo noong dating-dati pa…”

“Aksidente. Pero hindi ko napigilan. Pasensya na. Humihingi ako ng tawad…”

Naghahalo ang sama ng loob sa akin ng hindi ko inaasahan. Bukod sa pagbasa niya sa aking mga kwento, ay isa pa rin ang siya ang may-ari ng bahay na iyon. Bakit niya ito pinabayaan? Bakit niya ito hindi pinansin sa loob ng mahabang panahon?

Naglakad ako papalabas, tumawid sa kabilang kalsada sumukbit sa bakod ng bahay… napansin kong naputol na ang damo.

“Buti naman, para mawalan ng palaka…”

“Ni minsan hindi naging akin ang bahay na yan.”

“Pero inangkin mo ito, nung isang araw…”

“Oo, alam ko… ang dami ko lang masasamang alaala sa bahay na yan…”

“Tumira ka dito?”

“Sandali lang. Lumipat kami noon, pero dito lang rin malapit, at pinaupahan nila Mama. Ewan ko, pero napakabata ko lang siguro noon para hindi harapin kung anuman ang takot ko. Ayaw na ayaw ko na itong makita… Pero sa isang banda, para bang ayaw ko pa rin talagang ipagiba itong alaala na ito. Ito yung tanging pamana ng angkan namin sa amin…

“At isang beses, may mga nabasa akong mga kwento na nagpabalik sa akin ng loob sa bahay na ito. Nakita ko yung mga bagay na hindi ko napapansin. Yung tasa na tinitimplahan ko kay Inay… at yung Piano na wala namang tumutugtog… Gugustuhin ko sigurong maggawa ng sarili kong kwento sa bahay na iyan rin, balang araw…

“Bakit mo kinailangang ipalabas yung mga kwento ko na totoong nangyari sa bahay na to?”

“Mas totoo yun kaysa sa aking mga alaala…”

“Walang totoo sa mga sinulat kong iyon.”

“Oo nga, bukod sa pagmamahal mo sa isang bagay na wala namang pakinabang sa iyo. Salamat, Sylvina…”

“May pakinabang ako sa kanya… Binuhay niya ako… ng sobra-sobra…”

 ________


“The End na Lola?”

“Nabitin ka ba, Tam?”

“Hindi po Lola. Nakakatuwa po. Hindi ko alam na may ganito palang kwento itong bahay niyo.”

“Sabi ko sayo, ang galing e!”, sabi naman ni Audrey.

“Hindi pa ito ang wakas, mga apo. Balang araw, matutuklasan niyo na may mga bagay kayong ipaglalaban. Sa una, hindi niyo alam kung bakit… ngunit sa huli… ay matutuklasan niyo ang sarili niyo.”

“O, Audrey! Sinasabi na nga’t nandito ka? At heto’t sinama mo pa si Tam!”

“Nay, mano po.”, bati ng dalawang lalaki sa kanilang Ina.

“O, Ariel, ano’t napadalaw kayo?”

“Ay nay, si Kuya Rey po kasi nagiiskandalo na sa paghahanap kay Audrey.”

“Hay nay, hindi ko alam kung kanino nagmana sa kakulitan itong apo niyo!”

“Tay Ariel, ang ganda po pala ng kwento ni Inay at Lolo no? Itong tungkol sa Bahay?”, tanong ni Tam.

“Naku, sinabi mo pa. Nabanggit ba yung ahas at palaka sa damuhan?”

“Aba syempre… Yun ata ang bida ng kwentong yon!”

Bahagyang tawanan. Dumating ang isa pang tauhan ng kwento. Bitbit ang isang litro ng bote ng sopdrinks at supot ng pandesal.

“O mga apo… magmano na kayo kay Lolo Emong niyo…”




               

3 comments:

  1. Such a great story :D Dahil dyan, naniniwala akong may forever DATI hahahahah

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pahabol ko lang, (the first commenter still), I love the setting. I've always been a fan of those classic times.

      Delete
  2. hindi ba pwedeng malaman kung sino po ito? :D

    ReplyDelete

so, whatcha say?