Sunday, March 24, 2013

Mga Larawang Guhit

Bakasyon na. Ang huling bakasyon ng buhay ko sa pag-aaral. (SANA!) Mahaba pa ang listahan ko ng mga dapat kong iblog dito subalit ako ay natutuyuan ng wisyo. Hindi ko alam kung nagbabakasyon ba ako o nilalamon ng katamaran sa buhay.

O, kunyari tawa. HAHA!
-_-

At sa tala (post) kong ito ay ipangangalandakan ko ang mga dibuhong pang-ubos ng aking oras sa nakalipas na isang buwan. Nagsimula ang koleksyong ito noong minsang hindi ako natuloy sa pagsama sa Urban Sketchers sa Quiapo. Kaya kahit may sakit, kahit sa balkonahe ko lang sa Pandacan, ay nakasipat ako ng magandang tanawin ng Residencias. Sa aking 8K na Sketchbook na hindi naubos sa Landscape kong subject, nawili ang aking mga kamay sa pagguguhit muli. Di ko maitangging nakakamiss magdrawing na mala-VT. Itong tipong walang sukat na mga bagay... tipong kuha mo lang sa kung anong nakikita ng mga mata mo, at kaya ng kamay mo... tong tipong wala kang inaasahang grade kundi sarili mong kakuntentuhan. chos.

Residencias Pandacan
February 23, 2013
Mga bandang alas dos-alas tres ng hapon. Sobrang init dun sa balkonahe pero tiis-view. :) Dito ko napagtantong marami pa lang bakanteng mga unit sa pinakataas nitong Pandacan. At dito ko rin napagtantong kahit pala saan e mas maganda pa rin ang tanawin kapag dinrowing. O, tungga-tungga rin ng kape. (Di pa nadala sa init ng araw. oo, kahit kainitan ng alas dos)

Ang Bahay Namin Balang Araw
February 24, 2013
Kakauwi ko lang galing Maynila. Habang nagkakape na naman, mga bandang alas kwatro pagabi ng hapon. Napahawak na naman sa lapis. Pero imbes na gayahin ang aming old school na bahay, sabi ni Papa, iDesign ko na raw. Kaya ito ang kinalabasan. Yung plano pa ring baklasin yung mga balustreng hindi na uso, at sa halip gawin ng bukas dun sa garden. Tapos bihisan ko ng mga salamin para mukhang makabago at "IN". Nagustuhan naman nila Mama at napasambit pa, "matuloy kaya yan?" "Opo naman! Opong-opo!"

The Whisper
Ambulong at Night
February 24, 2013
Gabi na at bukas pa ang tindahan. Habang nakapwesto sa may mga kendi at pabenta-benta rin pag may bumibili, nakahawak na naman sa lapis. At ngayon naman, may kasama ng uling. (Tinda rin namin yung uling) Medyo napahirap kasi mahirap talaga magdrawing ng gabi. Pero ang payapa ng kalsada nung gabing yun. Kaya tamang-tama yung "Ang Bulong" sa Ambulong... "The Whisper"

Aplaya
February 25, 2013
Adventure galore. Maganda ang gising at maaga! Pagka-almusal pa lang, gayak na ako at ang aking bike papunta sa Aplaya ng Ambulong. Lunes, kaya walang mga batang makukulit kaya payapa ang aking pagbabike. Tuwing napapadaan talaga ako dito laging may bating, "Uy, san ang punta mo?" at ang sagot ko, "Iikot lang po!" Dala ang aking bag na red at ang mga lapis at sketch pad, nakapwesto ako sa may malilom na ilalim ng puno at napaharap sa pantalan. Balak ko dapat idrawing yung bulkan kaso masyadong malayo at maliit. Sa loob rin ng aking backpack ay may dala akong tubig at biscuit :) Inabot ako ng alas dyis ng umaga sa aplaya at marami ring napapadaang mga usisero para panoorin ako. "Neng, project niyo yan?" "Hindi po. Wala lang po." No further questions asked. :)

At susunod naman ay ang mga guhit na hindi mula sa mundong ito. Matapos ko kasing buoin yung model ng Palasyo ng Ataleya mula sa nakalipas na post, ay naengganyo akong iguhit naman ang iba pang mga mahahalagang tagpuan sa aking nobela. Isang buwan ang nakalipas matapos ang mga naunang drawing, tumakas naman ako sa katotohanan....

Hardin ng Eros
March 21-22, 2013
Sinimulan ko to nung brownout hanggang sa natapos isang gabi ang nakalipas. 

Lapis ulit at uling...
....para sa isa sa pinakamahahalagang tagpuan sa pangalawang bahagi ng Bagong Mundo. Ang pinakalikod na hardin na sa paglipas ng panahon ay naging masukal na at napabayaan. Marami ang hindi ibig ang hardin na ito. Partikular na ang magkakapatid na Hari at Reyna. Ngunit sa pagdating ng mga tagapagligtas, nagbago ang imahe ng minsang masukal na hardin. Nabuhay muli at nagbuhay... 

O diba, narrator mode ako sa mga linyang yun a! Pangalan pa lang ng lugar siyempre may palatandaan ka na  kung anong halaga nito.

Tulay ng Iverio
March 23, 2013

Natutuwa ako dito kasi nakuha ko yung teknik ng waterfalls sa gabi. T_T. 

Ang tulay ay ang nagdudugtong sa pangunahing bahagi ng palasyo papunta sa tore ni Reyna Ina, ang pangunahing tauhan ng ikalawang bahagi ng nobela. Sa tulay na ito umaagos ang ilog ng Iverio pabagsak ng talon patungo muli sa puting dagat. Hindi man ganoon kabigat ang halaga nito sa kwento, pero isa ito sa mga paborito kong lugar sa Palasyo ng Ataleya. Sa tingin ko ito yung kumakatawan sa pagiging isolated ng bunso sa tunay na mundo. Kaya siya nilagay rito upang mapahiwalay talaga siya sa mismong tunay na mundo... oops. tama na, spoil na. :) nope. hindi siya parang si Rapunzel o Sleeping Beauty. 


At kaboom. Dito pansamantalang nauudlot ang pangangalandakan ng mga nag-ubos ng oras, lapis at eraser ko. Sa ngalan ng aking mga nag-uuling na kamay at sahig na puro alikabok ng pambura at tasa ng lapis, nawa'y di ko pagsawaan ang libangang kong ito.

Hanggang sa muli,
CESS :)  


No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?