Friday, August 2, 2013

May Panahon Pa Ako Sa Wala

Saan ko pa ilalagay ang takas na ligaya?
Sa umaawas na mga papel sa aking lamesa
At kung ang kape'y pinagbabawal
saan kukuha ng amats?
At paghuhugutan ng mahiwagang gana ng inspirasyon
Pagkat para bang nauubusan pa ng panahon

Wala, hindi ko na kayang matuloy ang aking walang direksyon at walang kwentang tula. Saan pa ba Cess? Sa dami ng dapat gawin sa Thesis, sa mga padrawing at paggawa, sa mga padesign kuno ng bahay, sa mga dapat puntahan para sa thesis at dapat pagkagastusan, eto, at may panahon ka pa rin para sa wala. Sa sobrang dami ng dapat iprioritize, sa sobrang yabang sa sariling, "sus, kaya yan!", eto, may panahon ka pa rin para sa wala.

Napakakampante ko nitong mga huling araw na hindi ako pwedeng magkape. Sa sobrang tagal ng kapetiksan nung isang linggo, eto, huwebes na, tulala pa rin sa kawalan habang naghihintay ng gana at momentum sa kasipagan. Kahit kailan talaga, ang hirap iasa sa inspirasyon ng mga bagay. Kahit simpleng pag-ayos nitong lamesa kong punung-puno ng mga bagay na pwede namang ilagay sa mas maayos na lugar...





Mahirap rin ang walang kausap buong araw. Tipong tumatawa mag-isa dahil tumatawa kang parang baliw. Kinakausap ang sarili o kumakanta para di matuyuan ng laway. Tutulog na lang sakaling ganahan na mamaya sa paggawa ng thesis, pero magigising na masakit ang ulo at madilim na ang araw... o, tulog na naman. Joke. Manonood na lang muna ng One Piece. Baka sakaling mainspire kay Luffy, Sanji at Zoro.

Ano, saglit na silip sa nangyayari sa Bagong Mundo. Heto't nabalitaan kong binabasa na ni Editor (Ann Clariz Yap) ang mga unang kabanata. Natutuwa ako, kaya heto't nasilip na naman, at naganahang magtuloy ng pagsusulat. (Ginanahan na naman sa mga maling priority) Pagkadating sa dead end na wala na namang patutunguhan. Eto, nakita ang doodle diary at binuhusan ng drawing tungkol sa mga Panahon kong meron pa, para sa wala.

Konting silip rin sa mga PDF, sa mga website na may kabuluhan at purong arkitekturang inspirasyon. Ano ba talagang direksyon ng Thesis mo Cess? Ni walang isang klasipikasyon para sa problema mo. Hay. Hinga na lang. Inom ng tubig, malay mo bukas, may gana ka na para hindi magreklamo dahil may panahon ka pa para sa wala.

Ang daming forum ngayong August. Dagdag na naman sa mga schedule mong hindi mo naman natutupad dahil sinasabi mong, next week na lang. Linggo linggo ang daming forum tungkol sa thesis mo at may balak pa kayong museum hopping. Ay teka, may balak ka rin nga palang makipagkita sa mga Highschool Friends mo dahil August at maraming walang pasok di ba? May panahon ka pa ba magtipid? O May panahon ka pa rin ba para sa wala...

Dinadahilan mo ba ang kapaligiran mo sa kawalan mo ng gana sa lahat? Sa katamaran mong pumasok dahil ang hirap magbyahe, ang mga prof na hindi agad nagsasabi na hindi pala sila makakaattend ng klase, ang badtrip na hindi mawaring panahon, ang polusyon, ang trapik, ang kabadtripan ng mga tao at ang gastos ng pagkain sa labas? O ang simpleng nanlulumo ka lang at namamanglaw mag-isa. Dahil hindi gaya ng buhay sa Ambulong ang Maynila...

Kaya para sa mga may pinapagawa sa akin na makakabasa nito. Pasensya na. Minsan sa sobrang tamis ng kape, asukal na may tubig na lang ang lahat. Minsan sa sobrang lakas ng ulan, di mo alam snow na pala, mamaya may sakit na ko... dahil lamigin ako, di ako pwede sa Japan, at hindi ako pwede sa Russia. Kailangan ko rin ng panahon para huminga at gumaling... Madalas na lang laging Mayroong mga bagay na pumupuno sa dapat gawin... Kahit kailan hindi nagsosobra ang mga bagay na wala... Kaya kahit minsan, kahit madalas, may panahon pa ako para sa Wala...

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?