Sarap siguro ng malalim na tulog ngayon. Tipong gigising ka ng maaga at makakain ng masarap na almusal, babatiin ng "Good Morning" ng mga kapitbahay habang nagkakape sa balkonahe. Pwede rin namang magjogging muna sa mahabang parang, tipong may background music pa habang ramdam na ramdam mong para kang nasa isang pelikula, at nanonood sa daan at sa langit na kulay lila pa. Malamig at masarap ang simoy ng hangin habang unti-unting nagkakakulay ang pagsikat ng araw. At sumasabay pang nagigising ang mga ibong kumakanta.
Sarap siguro ng pagkatapos ng jogging, dadating ka sa bahay at panandaliang mahihiga sa napakalambot na sopa. Maliligo sa isang sapat na ligamgam na tubig na may humahalimuyak na sabong amoy rosas at ika'y nakalublob sa bath tub, panandaliang pipikit at iidlipin ang nailipas na pagod. At pagmulat ay hindi ka tatamarin, pagkat hindi ka tamad, at nanghihinayang ka sa panahon. Sarap siguro ng ganun.
Hmmm... Masarap na ulam ng almusal. Itlog, bacon at lahat ng pampagana
sa mundo, kasalo ang buong pamilya. Lahat maganda ang gising at nakangiti at pawang mga excited sa isang araw na naman ng buhay. Lahat masigla, lahat may gana kumain at lahat may dalang kwento sa hapag at masaya ang simula ng araw.
Pagkatapos nito'y mapag-iisipan mong magbisikleta. Ang sarap siguro maglakbay sa kabundukan kasama ng barkada, tipong isang tawag lang, game lahat. Lahat may pera, lahat willing sa isang adventure. Lahat papayagan ng magulang, lahat handa at walang tamad. May isang may sasakyan at mag-aambagan ang lahat para sa isang galang pantakas naman minsan sa isang nakakastress na buhay eskwela. Lahat dadating ng oras sa lugar ng tagpuan. Lahat may load at lahat nagrereply. Sarap siguro ng roadtrip na may background music na pang roadtrip, tapos makakaranas ng near-to-death adventure, na tipong pang-ANIME o pang pelikula lamang.. pero syempre... ligtas pa rin lahat sa kaduluduluhan. (Para payagan pa rin ng mga magulang sa susunod na adventure)
Sarap siguro pag-uwi may dala kang pasalubong para sa pamilya. Tipong may pera ka pa pagkatapos ng lahat ng adventure at gastos kasama ng barkada. Pag-uwi ng bahay may energy ka pa para gumawa ng plate, at may inspirasyon ka pa para makapaggawa ng art. Sa ilalim ng buwan at nakaupo ka sa pasamano ng bintana, at doon nagsusulat ka ng tula, tungkol sa saya ng buhay, ang lutang mong isip at isang takas na alpas at ligaya.
Napakasarap ng mainit na kape sa malamig na simoy ng hangin. Walang nangangaraokeng kapitbahay, walang maingay na busina ng mga elektrikpan. Mahina ang tunog ng mga kuliglig at mga kaliskis lamang ng mga dahon ng puno ang musika. Ngunit hindi ito pa ito ang karurukan ng lahat ng ligaya. Nakarinig ka ng isang bagsak ng kwardas ng gitara, at ang unti-unti nitong pagulit-ulit sa ritmong makapanghahalina... Naroon, sa likod ng bakod, umilaw ang kaniyang mukha, kasama ang barkada... nagsimulang umawit ng isang harana.
Nang matapos ang lahat, ang sarap sana ng mahimbing na tulog sa kabila ng amats ng kape. Sarap siguro ng napakalambot na kamang parang ulap sa lamig at bulak sa gaan. Hindi masakit ang likod at hindi masakit ang ulo, nakalutang ka na parang dinadala sa panaginip na mundong makukulay ang lahat ng bagay. Nang inakala mong ang araw na ito'y ang pinakamasaya na... nasa panaginip mo pa pala ang lubos na ligaya.
Sarap rin naman kung pagkagising mo ay naaalala mo ang lahat ng iyong napakagandang panaginip, at ginising ka ng Pamilya mo, sabay bukas ng napakagandang sikat ng araw. At dumungaw ka sa bintana, sabay unat at hikab hagod ang iyong baga sa ginhawa... Simoy ng hangin ng maaliwalas na probinsya at ang napakaligayang ngiti ng "goodmorning ulit" na hinihiling mong maulit-ulit pa... hanggang sa dulo ng walang hanggan.
Sarap siguro ng hindi ka magsasawa sa mga bagay na maganda. Tipong alam mong di ka mag-aalala, kung panaginip lang ba ito? o totoo? Totoo pa ba ang buhay kung lagi na lang maganda? O pinagbibigyan lang ako ng panahon dahil alam kong hindi ito lahat magtatagal.
Sarap siguro ng buhay na wala kang aalalahanin na ang lahat ng ligaya ay pansamantala lang. Dahil lahat tayo alam nating darating sa PUNTONG iyon ang lahat, darating ang lahat sa mababang rurok ng tadhana, at wala tayong magagawa para iwasan ang lahat, tumakas sa kaligayahang walang hanggan, sa mundong lahat ng bagay, tao at mundo ay perpekto.
Mahirap ring lagi na lang ngang "Sarap Siguro". Kasi nga, malay ko ba kung ganun ba talaga ang bagay na gusto ko gaya ng isip kong ligayang ibibigay nito sa akin. Sa ngayon, masarap sigurong huminga-hinga muna. Mahirap ring lutang mangarap at umaasa na lang sa mga lutang na nebula sa kalawakan para bumagsak at tuparin ang mga hiling ko sa mga shooting stars.
Sa ngayon, ewan ko, sakali lang.. sarap sigurong matapos itong talumpati kong, may kabuluhan.
No comments:
Post a Comment
so, whatcha say?