Kalahating nakangiti at nakaupo sa isang abo
Isang mahinang kurap sa kislap ng mga bituin
Na di rin naman nakikita sa malayo
Isa lang akong puwing sa mata
Na di nararamdaman ng mga talukap
Taga kurot ng mga nahihiyang luha
Na kailanma’y di naman nagpapahanap
Isa lang akong mumo, sa iyong hapag
Pinupunasan kasama ng butong pinantinga
Sinasahod sa palad, tapon sa mga tira
Ipapakain sa mga alagang nakikitira
Isa lang akong patak ng bagyong malupit
Na pupuno ng mga kanal at di sipsipin ng lupa
Isa sa mga patak na magbabaha’t mag-iipit
Magpapalamon ng dagat sa mga dukha
Isa lang akong kapurit ng hangin
Ihihinga’t ibubuga ng walang alaala
Isang buntong hiningang, kisap mata lumilipas
Papasok sayo’t lalabas ng di mo kursunada
Isa lang akong tinga sa ngiti ng yong bibig
Sukbit magaling sa nakakabig ng ligaya
Di makita, di masungkit, paduduguin ng tutpik
At nagpipigil sayong wagas na tumawa
No comments:
Post a Comment
so, whatcha say?