Monday, November 12, 2012

Ang Manunulat ng Panaginip

            Bata pa raw siya, ang sabi ng namumuno sa sulatan ng Panaginip sa loob ng korporasyon ng Utak. Kailangan pa raw niyang tumanda at magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagsusulat ng panaginip.

Dismayado siyang umuwi. Bagamat masyadong natagalan papunta sa Hinliliit. Naipit siya sa trapik sa may bandang Lalamunan kaya’t kinailangan pa niyang maghintay ng matagal. Doon siya naninirahan sa pang-apat na dulong capillary sa purok ng Hinliliit. At bata pa lamang siya’y ginusto na niyang makapagtrabaho sa utak, maging manunulat ng panaginip para sa kanilang Tao.

“Kamusta ang interview mo, Eritch?”, ang tanong ng kanyang inay na si Ehra. Marahan siyang umakap sa kanyang anak bagamat pagod rin ito sa paglilibot sa buong katawan ng buong araw.

“Hindi pa raw po ako nasa tamang edad, Inay”

“Yan rin ang sabi ko sa’yo”, ang payo ng kanyang Inay . “Magpahinga ka na Eritch, matutulog na ang ating tao at marahil ito na lang ang oras para makapagpahinga tayo.” 

“Opo Inay”

Lumipas ang isang minuto at nakatulog ng mabilis si Inay Ehra. At gaya ng kanyang plano, ay tumakas muli siya niyong gabi. Wala ng trapik sa lalamunan. ALam niyang bukas ang Korporasyon ng Utak kahit tulog na ang tao. At ngayon, ang naka-on duty na ay ng mga manunulat ng panaginip.

Maliit siya, kaya’t madali siyang nakapuslit sa gate ng mga nakasaradong mata. Doon pa lang napangiti na siya sa umiilaw na Utak sa kanyang harapan. Na sa tuwing pumupunta siya dito ay para bang bago pa rin ang lahat.

Kailangan kong makapasok muli sa Utak. Kailangan kong maging isang manunulat ng Panaginip.

Sumabay siya sa sandamakmak na taong dumumog sa pintuan ng Utak. At nakalusot siya muling makapasok. Alam na niya ang kanyang pupuntahan. Sa mga silid na tinuturuan ang mga baguhan sa pagsusulat ng panaginip.

Dumungaw siya sa maliit na bintana ng pintuan, At naroon ang isang malaking classroom na punung-puno ng maraming mag-aaral na nagmula sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Pumuslit siya, dahil alam niyang hindi naman siya mapapansin sa dami ng naroroon na mga estudyante.

“Magandang gabi, mga manunulat”, ang bati ng punong mahistrado. Ang isa raw sa pinakamagagaling na manunulat ng Panaginip sa katawang ito, si Professor Noctrino Emiso o mas kilala bilang Sir Noem. “Bagamat kayo’y mga baguhan, ay napagdesisyunan ng ating Emperor Neuro na maaaring na sa inyo ang mga bagong ideya para sa mga panaginip ng ating tao. Pero gusto ko ring maitanong, kilala niyo ba kung sino ang ating tao?”

“Siya si Serica Noble.”, ang sagot ng isa sa mga estudyante.
“At ano pa?”, tanong ni Sir Noem.

“Labing siyam na taong gulang at nag-aaral ng Arkitektura”

“Bigyan niyo ko ng mas detalyadong description tungkol sa kanya”

Tumaas ang isang kamay. “Pinanganak siya noong brownout taong 1993, buwan ng Enero, ika-5. Sa lalawigan ng Batangas.”

“Magaling pero kulang pa… May hinahanap akong tamang sagot”

“Magaling rin po siyang magpiano, tsaka mahilig ring magsulat”

“Yes, tama, more.. more…”

Nagpipigil siyang tumaas ang kamay. Pero alam niyang marami siyang alam tungkol sa kanyang tao. Marami siyang gustong ishare sa buong klase. Pero natatakot siya dahil hindi siya talaga kasama sa mga ito. Pumuslit lang siya. At kung mahuli siya, patay siya. Baka bukas ng umaga, isama siya sa mga itutulak ng kape papalabas ng kanyang tao.

Nakalipas ang ilang mga sagot pero hindi pa rin nahuhuli ng mga estudyante ang gustong sagot ni Sir Noem. Poknat! Bahala na!

Tumaas siya ng kamay.

“IKAW SA LIKOD!”

“At ikaw si?”     
                      
                                          
“Eritch po”

“Eritch, anong alam mo tungkol sa ating tao?”

“Takot po siya sa palaka. Hirap po siyang makatulog pag hindi niya naririnig yung ugong ng electric fan. May unan po siyang laging inaakap pero ngayo’y madalas na niya itong naiiwan kasi umuuwi siya lagi ng Batangas kapag Linggo. Mayroon po siyang singsing na hindi tinatanggal…

Napapatango si Sir Noem. At ipinagpatuloy niya.

“At dati, nalaglag po ito at isinuot po si kanya dati ni ano…

SHHHHHHH!!!!, ang sigaw ng buong klase. Alam niyang isa itong pangalang hinding-hinding pwedeng banggitin sa buong Utak.

“Matanong ko lang po, bakit po hindi pwede banggitin ang pangalang iyon sa Korporasyon ng Utak?”

“Hindi mo ba alam Eritch?”, nakangiti si Sir Noem.

“Alam ko po….”

“At bakit?”

“Dahil nasa Puso Incorporated na po siya ng ganitong oras. Masyado po kasing nagjajam ang system kapag buong araw siyang nasa Korporasyon ng Utak kaya’t nasa pangagalaga na po ang pangalang iyon ng Puso Inc ngayon.”

Naantig ang puso ng buong klase. “O, alam mo na pala e. Matanong ko lang, Eritch, taga-saan ka at bakit parang ngayon lang kita nakita dito sa bulwagang ito?”

Nangangatal siya at hindi siya mapakali. Ilang minuto rin bago makasagot si Eritch.

“Hindi po ako taga-dito”, napatungo siya. “Patawad po, pero ako’y di hamak na taga kalingkingan lamang. Gusto ko pong maging isang manunulat ng panaginip. Ngunit ang sabi po nila ay masyado pa akong bata”

Nawala ang ngiti kay Sir Noem. Maging ito ay hindi malaman ang gagawin.

“Sir Noem! Patawad po! Kung mamarapatin niyo po’y aalis na rin po ako ngayon!”

“Sir Noem! Paalisin niyo na yan! Ano bang alam ng isang taga Kalingkingan sa pagiging manunulat ng panaginip!”, nagmataray ang isang nasa harapan. Si Cornea, taga Eye City. Maganda, matalino ngunit sinasabi namang “Malabo kausap”

“Wag ka ngang maingay Cornea! Parang siya nga yung may pinakamaraming nasabi sa ating lahat e!”, ang depensa ni Audie, mula sa Villa Ear. Isang malaking lalaki sa tabi niya.

“Tawagin ang Security System!” , sigaw ni Cornea. “Bakit may ganyang dugo dito sa loob ng Utak? Particularly from down there! Hindi ba niya alam na pang matured cells lang ang maaaring makapagsulat ng panaginip para kay Serica?”

“You can stop now Cornea.”, nagagalit na si Sir Noem sa kanya. “If I’m not mistaken, down there is where Serica’s greatest asset is, Yung mga kamay niya! So don’t misjudge them ng kaartihan mo!”

Nananahimik si Eritch habang pinapanood niyang dinedepensahan siya ni Sir Noem.

“Eritch. Bumaba ka dito!”, utos ni Sir Noem.

“Cornea, if I’m not mistaken ulit, nasa -225 ka na sa standing mo. At pag di pa nadala yang kaartihan mo, lalong lalabo ang mata ni Serica. At kung mangyayari yon, irereport ko na kay Emperor Neuro na isama ka na sa mga inilalabas ng kape tuwing umaga.”

Napatungo si Cornea.

“Eritch. Mas marami kang alam sa lahat ng mga nandito. I don’t know why pero sigurado akong makakatulong ka sa pagbabago ng panaginip ni Serica.”

“Salamat po Sir Noem.”

“Ano bang alam mong maibabahagi mo sa buong klase.”

Nakatingin sa kanya ang lahat. Unang beses niyang maranasang nasa harap ng ganitong karaming cells. Mula Blood Cells, Brain Cells hanggang sa mga Skin Cells. “First Introduce yourself”

“Ako po si…

“In English!”, hiling ni Sir Noem. “Alam nating kailangang ipractice ni Serica ang pagsasalita niya sa Ingles lalo na ngayong mag-tiThesis na siya!”

Bahagyang nagtawanan ang buong klase.

“My name is Erythrocytes 31002 from the 4th Avenue Capillary, Pinky Finger, Right Hand of Ms. Serica Noble”



“What can you share to the Class about our human?”

“She’s… ahm….”, natigilan siyang mag-English. Alam niyang kahinaan rin niya itong magsalita sa harap ng ganitong karaming manonood. Natagalan ang lahat. At maging siya’y hindi na niya alam ang gagawin. Namumuti na siya.

“Okay Ms. Eritch, mag-Tagalog ka na. Ayoko naming maging White Blood Cell ka sa kaputlaan mo”, sandaling biro ni Sir Noem. “Ito na lang, kung papasulatin kita ng panaginip para kay Serica ngayong gabi, ano ito?”

Buntong hininga.

“Sa tingin ko po kasi, ay nahihirapan na siyang makatulog ngayon sa tuwing iniisip niya yung sinusulat niyang libro sa Ataleya. Nahihirapan rin siyang makatulog sa tuwing iniisip niya yung plano niya sa Thesis. Kaya’t ang gusto ko sana ay maiba naman ngayon. Gusto kong makilala niya tayo dito sa loob ng kanyang katawan…”

Napapatango ang kanyang mga kaklase at maging si Sir Noem ay natigil sa pagkabilib sa ideya ni Eritch.

“Naniniwala akong kung makikilala niya ang mga nagtutulong-tulong dito sa loob niya, ay mabibigyang halaga niya ang kanyang buong pagkatao. Ang sabi nila, iba pa rin talaga ang kapangyarihan ng kaluluwa kaysa sa ating mga Pisikal lamang niyang aspeto. Naniniwala akong bawat isa sa atin ang nagbubuo rin sa kanyang kaluluwa.”

"Alam kong isang di hamak lang akong bihirang magamit sa kalingkingan. Di kagaya ni Cornea, at di kagaya ni Audie. Pero sa tingin ko lang po, ay gugustuhin ni Serica yung magbibigay ng matinding metaporya ng kanyang buhay. Yun bang tipong alam niyang hindi siya ang pinakamaliit na nilalang sa buong mundo. Nandito pa tayo, at kaya natin siyang bigyan ng inspirasyon... kahit na mga dugo at lamang loob lamang tayo"


"Isa sa mga pangarap ko sa buhay, kahit na alam kong hindi naman ako magtatagal sa pagkatao ni Serica ay makapagsulat ng marami niyang panaginip. At balang araw maiipon niya ang mga panaginip ito.. at bubuing mga kwento, mga tula at mga nobela. At alam kong magiging masaya siya sa mga iyon"

Natameme ang lahat. Hanggang sa nakita niyang naroroon na si Emperor Neuro sa likod ng klase at nakikinig sa kanya.

“Sumama ka sa akin Eritch mula sa Kalingkingan. Sa iyo ko ipapasulat ang bagong panaginip ni Serica Noble”

Nang gabing iyon, isinulat ni Eritch ang panaginip ni Serica Noble. Ang tungkol sa mga cells sa loob ng kanyang katawan na nagtutulong-tulong para sa kanyang panaginip. Bagamat ng kinaumagaha’y nakalimutan ito agad ni Serica, alam ni Eritch na balang araw ay naroroon siya sa kalingkingan ni Serica habang isinusulat niya ang kwentong naaalala niya mula sa kanyang minsang nakalimutang panaginip.

WAKAS. 


MGA TAUHAN
  • Eritch - Eryhthrocytes (Scientific name ng Red Blood Cells)
  • Nanay Ehra 
  • Sir Noem - Noctrino Emiso (Nocturnal Emission) (Scientific Term for Dreams)
  • Emperor Neuro - Neurons (Brain Cells)
  • Cornea - transparent front part of the eye that covers the iris, pupil, and anterior chamber
  • Audie - from the word "Auditory", the Ears. :)





No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?