Thursday, June 28, 2012

Ang Kwento ng Nagsusulat sa Jeep

Biglaang may pumasok sa isip niya. Pagkasiksik sa kanya ng katabi niyang kalahati na lang ng pisngi ang nakasuksok sa mahabang upuan. Ni hindi siya makadukot ng barya. At ni hindi siya makapagmura sa kabilang katabi naman niyang may putok. Ang lakas pa man din ng loob nitong humawak sa bakal, para maisingaw pa ang pinakamalakas niyang kapangyarihan sa buong jeep. Puro dismayado ang mukha ng dalawampung nagsisiksikan sa jeep. At di hamak na ring ngalay ang driver sa kakaabot ng pera. Huling byahe na ng driver. Alam niyang siya at ang lahat ng nakasakay sa likod niya ay uwing-uwi na.

Nakasubsob siya para mabawasan kahit papaano, ang nahihithit niya sa kanyang katabi. Di siya makapaniwalang ngayon pa niya naisipan ang isang kwento. Nangangati siyang kumuha ng ballpen at papel sa loob ng kanyang bag. Pero wala pa ring bumababa sa jeep. Gusto na niyang isulat bago pa mahuli ang lahat nang dahil sa nahihithit niya sa katabi.

"Ma, para po!", sigaw ng barkada sa pinakalikod. Tatlo ang bumaba. Dalawa sa hilera nila, isa sa kabila. Gustuhin man niyang magpalipat ay hindi pa rin ganoon kaalwan ang simoy ng hangin. Mabilis na ang byahe. Inisip na lang niyang pagod na pagod lang ang katabi niyang may super powers. Para rin ito sa pamilya niyang iniintay na siya sa bahay nila ngayong gabi. Hinihintay siya, para makapagmano, para maikwento ang mga nangyari sa iskwela, para tikman ang bagong resiping natutunan ng kanyang asawa, at para na rin makapaligo ng maalwan at tuluyang mawalan ng sumpa.

Bumaba na ulit ang marami sa crossing. Hay! Ang Simoy ng Hangin ng Maynila kapag gabi! Tatlong dipa na ang layo niya. Nakadukot na rin siya ng ballpen at papel. At agad sinara, kinandado ang padlock ng kanyang backpack. At isiniksik ang sarili sa pinakadulo. Nagmukmok sa kanyang kakaibang naisip: Isang kwento tungkol sa mga nakikita niya sa kanyang byahe pauwi.

Napapaisip pa siya kung gagawin ba niyang love story, aksyon ba, drama o katatakutan. Pero bahala na, ang sabi niya. Gusto niyang magulat ang sarili niya sa kakahinatnan ng kung anumang makikita niya sa daan. Isinulat niya:

Isang araw, habang pauwi sa kanilang hasyenda si Escoda (Street ng Sakayan ng Jeep) Cruz, nakaamoy siya (yung katabi niya) ng hindi pangkaraniwang amoy. Hindi niya paliwanag kung mabaho ba ito o mabango. Pero ang amoy na ito'y sapat na, para mabagabag siya. Tanghaling tapat sa Barrio Faura at nag-uuwian sa kanilang mga bahay-bahay ang mga manggagawa para magsiesta. Itinanong ni Escoda ang kanyang mga kasambahay kung ano itong nangangamoy sa kanilang hacienda.
“Hindi rin po namin alam”, ang magalang na sabi ng hardinero niyang si Pedro. “Itinanong ko rin po sa kapatid kong si Gil, Señorita Escoda, pero hindi rin niya maipaliwanag kung saan galing ang amoy na ito.”

Pansamantala siyang natigilan dahil sa kalabuan ng kanyang nalilikhang kwento. May sumakay na dalawang tinedyer alalay ang kanilang Lolo. Ting! Tumunog ang kanyang bumbilya.

“Anong bumabagabag sa iyo, Escoda?”, nabahala siya ng kanyang Lolo.

“Lolo Quirino!”, nagmano siya. “Nababagabag lamang po ako sa kakaibang amoy na napansin ko pag-uwi ko nitong tanghali”

“Ah, iyon ba?”, napasinghot ang matanda. “Wag mong alalahanin Escoda, magpahinga ka na nang makabalik sa bukid mamayang dapithapon.”

Tumabi sa kanya ang isang estudyante ng Nursing. May makapal na librong di hamak na nakakangalay kalungin sa haba ng byaheng ito. Nagbabasa pa siya ng makapal na handouts at binabasa ng malakas ang bawat salita. Nawala siya sa momentum at napamura sa loob-loob.

“Osige po,’ Lo”, ang sabi ni Escoda. “Kamusta na po pala kayo? Nakasalubong ko ang nars na sumusuri sa inyo. May nasabi na po ba siya sa kung ano ba talagang sakit niyo? Mataas pa rin po ba ang BP niyo?”

“Sa kasamaang palad ay Oo, Opo”, napaakap si Escoda sa kanyang lolo. “Pero wag mo na akong alalahanin. Malakas pa ang lolo mo...” Alam niyang malubha na nga ang kalagayan nito pero ni hindi pa rin nito inaamin sa kanila ang tunay niyang kalagayan.

“Psst! Psst!, te pahinging barya!”, kinukulbit ng isang bata ang katapat niyang Ale na inaantok na. Pero eto’t gabing-gabi na ay may nangungulit pang nanlilimos.

“Ay BWAKANANG HAYUP KA! WALA AKONG BARYA!”, ang sigaw ng masungit na Ale. Natakot ako sa mapangursunada niyang tingin sa lahat ng mga natitirang pasahero. Nagising ang lahat ng inaantok sa buong jeep.

Dumating na ang paglamig ng tanghali. Nagising na ang lahat ng mga nagsisiesta at naisipan ni rin ni Escodang bumalik sa bukid. Doon sa lugar na tanaw niya ang lahat. Sa kanyang paboritong lugar sa kanilang buong lupain. Sa mataas ng burol na may isang maliit na puno ng Sampaloc. At doon siya nakahiga, nakitingin sa abot tanaw, at naghihintay.

“Mainit pa, pero nandito ka na”, ang sabi ng malambing na boses.

“Gil!”, inakap niya ang kanyang lihim na kasintahan. Nagkaroon ng napakasaglit na katigilan. (MINI STOP) “Masyado lang akong nasabik sa’yo.”

“Hanggang kailan natin ito malilihim, Escoda?”

“Hindi ko alam Gil, nagiging mahirap na rin sa akin ang makitungo sa kapatid mong si Pedro”, napatungo si Escoda. “Nakausap ko siya kanina tungkol sa kakaibang amoy sa hacienda”

“Napansin ko rin ito, pero hindi ko rin alam kung ano ito. Hinahanap ko rin kung saan galing ang kakaibang amoy na ito. Natanong mo ba kay Don Quirino?”

“Oo, pero ang sabi niya’y wag ko raw ito ikabahala...”

“kung gayon ay wag mo na ngang ikabahala. Alam kong mahal na mahal ka ng lolo mo at hindi siya magsisinungaling sayo. Wag mo ng ikabahala. Marahil isa lamang itong nabulok na kung anuman...”

“Sana nga. Samantalahin na lamang natin itong saglit nating oras.”

Naging payapa ang marahang pagsandig ni Escoda sa balikat ni Gil. Sabay nilang tanaw ang buong lupain ng mga Cruz sa burol. Ngunit di nila aakalain ang isang malagong na sigaw sa likod nila!

“Magbabayad kang Hudas ka!”(signboard sa harap ng jeep), ang sigaw ni Vito. Nahablot agad sa leeg si Gil.

“Magpapaliwanag ako Senorito Vito Cruz!”, hindi makadepensa si Gil.

“Kuya! Bitawan mo si Gil! Ako ang magpapaliwanag!”

“Walangya kang malandi Escoda!”, sinampal ito ng kanyang kuya. “Totoo nga ang sinabi ni Miranda (Plaza Miranda)! Nakikipagrelasyon ka sa isang hampas lupang ito! Alam mong ipapakasal ka ni Lolo Quirino kay Lacson!”

“Pero hindi ko mahal si Lacson, kuya!”, pagmamakaawa ni Escoda. “Parang awa mo na, bitawan mo siya!”

Binagsak ni Vito ang kasintahan ng kanyang nakababatang kapatid. At bahagya itong gumulong sa burol nang mapigilan ni Escoda.

Napaisip siya. Parang nagiging corny na at jologs ang kanyang kwento na parang drama sa hapon. Naisipan rin sa wakas ni Manong Driver na magpatugtog ng kanyang malakas na stereo para magising ang buong jeep. Baka nga naman may makalampas kung makatulog ang mga pasahero niya.

“I’m your biggest fan, I’ll follow you until you love me.. Papa.. Paparazzi!” Tangina. Anong kwento naman ang maiisip niya sa kawalangyaang kantang to? Napakunot siya ng noo, napasubsob sa bag gaya ng katabi niyang Nursing na hindi na lalo makakapag-aral. Pucha.

“Para po!”, sigaw ni ate Nursing. Pero parang nasa kabilang dimension ang pandinig ni Manong Driver! “PARA PO!”, wala pa rin ate, strike 2 na, di pa tumitigil. “PARA PO!!!”, wala pa rin.

“BWAKANANG! PARA RAW!!!”, sigaw ni Ale sa tapat ko. Kanina pa siya nag-iinit. Pumreno na sa wakas si Manong. Bahagya siyang napaisod sa unahan at bumaba na rin sa wakas si Ate Nursing.

“Tumakbo ka na Escoda! Isama mo yang hampas lupa mong kalaguyo dahil mas gugustuhin ko pang hindi ka makita kahit kailan, kung kasama mo lang yang BWAKANANG Gil na yan!”, alam niyang kalahating nagsisinungaling ang kuya niya. Alam niyang mahal siya nito. Pero hindi niya lang maintindihan ang pag-init ng dugo niya kay Gil.

“Bakit ba Kuya? Anong nagawa sayo ni Gil?”

“Ninakaw niya ang Ginto kong Leon!(Leon Guinto)”,dumukot na ng baril si Vito. Nakatutok sa noo ni Gil.

“Anong meron sa gintong leon Kuya? Ano ito Gil?”, pagtataka ng dalaga.

“Pamana ito ni Inay sa akin Escoda! Galing pa ito sa España!”

Agad naagaw ni Gil ang baril kay Vito at inupakan na rin ito! Nataranta na si Escoda. Hindi niya alam kung paano pipigilan ang kanyang nakakatandang kapatid at ang kanyang kasintahan.

Napapunta kay Escoda ang baril at dinampot niya ito.

“IABOT MO SA AKIN ANG BARIL ESCODA! MAKINIG KA SA KUYA MO! MAKIKIABOT LANG!”, pero hindi niya ito binato.

Papalampas na sila ng crossing nang pumreno si Manong Driver ng malakas. Mabilis na dumaan sa harap nila ang isang kotseng humabol sa red light. “TANGINA! NAKITA MO NANG KULAY PULA!!!”, nag-iinit na si Manong Driver.

Dumating sa puntong wala ng makabangon sa kanilang dalawa. At hinabol sila ni Escoda. “Kuya, ano ba? Tigilan niyo na, bago pa kayo tuluyang makapagduguan!”

Pero hindi inakala ni Escoda. “Tangina!”, ang sigaw ni Vito! “Nakita mo ng kulay pula!” Duguan ang mukha ni Vito. At gayun rin ang mukha at buong katawan ni Gil.

Napatigil siya saglit sa ka-swak-an ng hirit niya. Natawa siya. Genius. Wahahaha. Napatingin sa kanya ang Aleng mainit ang ulo at agad siyang napatungo ulit sa kanyang obra maestra.

“Hindi ako makapaniwalang ang lahat ng ito ay dahil sa isang leong ginto lamang!”

“Hindi mo ako naiintindihan Escoda! Ang leong iyon ang makakapagligtas kay Lolo Quirino!”

“Bakit?”

“Malubhang-malubha ang sakit niya Escoda. At nalulugi na ang buong hasyenda! Hindi mo to alam dahil wala kang inatupag kundi makapaglandian sa gagong to! Ito na lang ang huling pag-asa nating mailigtas si Lolo! At itong hudas na to, ninakaw pa sa akin!”

“Totoo ba ito Gil?”

“Escoda...”, hindi makapaniwala si Gil na pag-aalinlanganan siya ng kanyang mahal. “Pinagdududahan mo ako?”

“Hindi, mahal ko. Gusto ko lang malaman ang maipagtatanggol mo sa sarili mo!”

Dismayado si Gil. “Hindi ka nagtitiwala sa akin?! Minahal mo kong hinding-hindi nagsisinungaling sayo Escoda! Minahal kita hindi dahil sa malaki niyong lupain at yaman niyo! At alam mong bukal sa iyong pusong hinding-hindi ako magnanakaw mula sa inyo.”

Natahimik si Escoda.

“Escoda, ang magmahal ng tulad mo ay hindi kasing dali ng barya sa umaga. (Signboard ulit sa jeep) Pero minahal pa rin kita, kahit ganito kahirap. Maniwala ka sa akin. Mahal na mahal kita at alam mong mahal mo ako”

Natatawa siya sa kakornihan ng mga naiisip niyang banat. Pero tinuloy pa rin niya ang kwento. Lumampas sila sa isang sign na kulay pink na may nakalagay na. Bawal tumawid, may namatay na dito. Aha! Nanggigil ulit siya sa kanyang ballpen at papel. Na unti-unti na ring nagugusot.

“Walangya ka Gil! Tama ng kagaguhan! Wag mong isiping di ako magdadalawang isip na  paputukin itong baril ko.”,napulot niya ulit ang binitawan ni Escoda. “ Alalahanin mong namatay na dito!”

“Oo, Senorito Vito.”, napatungo si Gil.

“Dito? May namatay? Anong nangyari? Bakit?”, naguguluhan na si Escoda habang di pa rin maisipan kung sino ang paniniwalaan.

“Sa tabi mo lang...”, ang turo ni Gil sa paanan ni Escoda.

“Marahil hindi mo alam Escoda, kung bakit ito ang paborito ni Gil na puntahan dito sa Hacienda.”, nakatingin si Vito kay Gil at nakatungo naman ang binata.

“Gil?! Bakit?”, napahawak si Escoda sa kamay ng kanyang mahal. “May hindi ka ba nasabi sa akin?”

“Ang anak ko...”, ang bulong niya. “Dito siya nakalibing”

Syet, sobrang drama. Sobrang gulo! Ano ng koneksyon ng kakaibang amoy, sa hardinerong si Pedro at ang kapatid nitong si Gil at ang secret lover nitong si Escoda na kapatid ni Vito na apo pareho ng mayaman na may-ari ng Hacienda sa Barrio Faura.

Pansamantala siyang na-writers block. Ang balak niya lamang ay isang maikling kwento. Pero heto’t malapit na siyang bumaba at malayo pa sa katapusan ang kanyang kwento. Umuusbong na ang gigil niyang tapusin ito. Pero walang nangyayari sa jeep. Wala ng naghihimutok na mga pasahero at wala ng soundtrip na kagagahan. Patay na ang gabi at magaan na ang hawak niya ulit sa kanyang ballpen. Wala na siyang inspirasyon.

“Ma, sa tabi lang po.”, ang mahinahon ng para ng mainiting Ale sa tapat niya. Pagod na rin ito kagaya niya. Alas onse na ng gabi at siya na lang ang nasa jeep. Dalawang krosing pa ang dadaanan niya. At napansin siya ng driver na nag-iisa na lamang. Sa sulok ng kadulu-duluhan ng mahabang upuan. Isang anino na lang.

“Ah, Miss, eto na pong bayad niyo o, lipat ka na lang. Pasensya na... Babalik na ko e...”

Agad niyang binawi ang bayad niya at agad lumipat sa kabilang jeep na may kaunti na ring sakay. Bitbit niya ang bag, at ang ballpen at papel, at ang hindi matapos na kwento. Sabay abot ng bayad. “Kuya, sa Bayan lang po.”

Napatabi siya sa isang estudyanteng ring binata, hawak ang cellphone na touch screen at nakasubsob sa palad ang noo. Mukhang pagod, mukhang tulog at mukhang magaan na ang hawak sa kanyang cellphone. Umilaw ito at lumabas ang bagong dating na message. Hindi man niya intensyong makichismis pero makaagaw pansin talaga ang ilaw nito. Binasa niya.

“Sorry talaga, pero hindi na kita kayang pagkatiwalaan.”

Perfect! Kuha agad ang papel at ballpen.

“Nagkaroon ka ng anak Gil?”, hindi makapaniwala si Escoda sa naririnig niya sa kanyang kasintahan. “Akala ko ba mahal mo ko, sapat na para hindi ka sa akin nagsisinungaling!”

“Mamahalin mo ba ako kung sabihin ko sa’yong napatay ko ang anak ko, sa loob ng sinapupunan ng dati kong kasintahan?”, naghihinanakit si Gil at pinanood na rin niyang tumulo ang luha ni Escoda.

“At si Ate Miranda mo ito Escoda!!!”, ang dugtong ni Vito. “Hindi ko alam kung anong gayuma ang binigay mo sa asawa ko Gil para mapagtaksilan niya ako ng ganoon. Pero hinding-hindi ko hahayaang pati si Escoda ay tatarantaduhin mo rin ngayon!”

“SI ATE MIRANDA, GIL?!”

“Patawarin mo ako Escoda! Lumipas na ito! At nagsasabi ako ng totoo, Mahal kita! Mahal na mahal! Magtiwala ka sa akin!Mahal kita!”, agad na nakatikim ng malakas na lagapak sa pisngi si Gil. WAPAK! Umalingawngaw ang sampal niya sa burol.

“Sorry, pero hindi na kita kayang pagkatiwalaan”

Bahagya ulit siyang napangiti sa ka-swakan ng hirit niya. Pero pabitaw na si kuya sa cellphone niya. At pati siya natakot na ring baka mahablot pa ito ng mga kasama nila sa jeep. Agad niya itong kinulbit.

“Kuya, mabibitawan niyo na po yung cellphone niyo, baka may makasnatch pa...”

“Ah, salamat.”, napangiti ang binata sa kanya. Agad na nilagay sa loob ng bag ang cellphone. Napapungay ang mga mata nito sa bahagyang kaantukan. Iniisip niyang parang pinipigilan lang nitong lumuha dahil sa natanggap niyang mensahe. Alam niyang may pinag-dadaanan ito.

Napatagal atang nakatingin sa kanya ang itim na itim nitong mata. Tapos kita niya pa yung kislap ng maliit na dilaw na bumbilya sa jeep sa repleksyon nito. Napatungo siya at napalihis rin naman sa tingin ang binata. Napangiti ring magaling ang nagsusulat, habang kunong itinutuloy ang kanyang obra maestra.

Sunod na kanta na sa playlist ng medyo Senior Citizen na na driver. “There were birds, on the hill, but I never heard them singing. No, I never heard them at all, till there was you...”

“Tweet-tweet! Text Message!”, message tone niya. Biglang tumunog. Napangiti siya. Tiningnan niya ang cellphone niyang may tatlong missed calls at limang text na pala galing sa nanay niya. Nakarinig siya ng tweet-tweet ng birds na hindi niya nakikinig kanina pero nakinig niya ngayon.

“Then there was muuusiiic....”, tuloy pa ng The Beatles.

“PARA PO!”, sabay silang napasigaw. Swabeng blending ng boses. Nagkahiyaan pa. Di matawaran na ngitian. Pinauna siyang pinababa ni binata. Pero nabitawan niya ang papel niyang hawak nang mauna niyang buhatin ang bag niya patayo. Napulot ng binata at nabasa ang huling linya ng sinulat niya.
            
“Sorry pero hindi na kita kayang pagkatiwalaan.” Gaya ng huling mensahe sa kanya ng kung sinumang iyong nagtext sa kanya. Nawala ang ngiti ng binata saglit. Pero napangiti ulit itong bahagya nang inabot sa kanya ang papel.

“Salamat!”, huling hirit na ngiti.

Nagkahiwalay sila sa paglalakad. At nang pauwi na siya, nakatungo pa rin siya’t napapailing at napapangiti sa matinding naulan na inspirasyon sa kanya. Nagmula sa putok ng katabi niyang bruskong bulas, hanggang sa nabasa niyang text sa katabi niyang duguan ang puso. Hindi na niya tatapusin ang maikling kwento. Sa halip, doon siya huling nagsulat sa pinakataas ng papel, una pa sa mga unang salita ni Escoda, ni Lolo Quirino, ni Pedro at ni Gil. At doon isinulat niya...

UNANG KABANATA.

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?