Monday, November 1, 2010

Buról*

Masakit ang tanghali
Kung gaano kaiinit at katahimik ang kalsada
Saka pumapasok sa isip ang lahat ng problema
Iisa-isahin ang mga sakit,
kapag wala ng maisasandok ang mga kutsara
Mapapalya, ang pilit na inilulunok na maskara
Na lahat ng ito'y may pag-asa pa
Sa mga panahong naghihingalo
ang mga nangunguhaw na bulsa
At ang silbi ng bawat isa'y pinagduduruan
Kung sino ang tunay na may kasalanan

Pagdating ng gabi'y nanlamig ang ulo
Pagkat tapos na naman ang isang araw na resiklo
Masakit.
Kapag lahat ng tuktok ng bundok ay di lahat ngayon abot
Loob at labas na pagkukulang
Ay pinagsamang nanuot
At ang hirap ng sakit, kapag ganitong walang alam na patutunguhan
Ay di maitatama ng isang simpleng buntong-hininga

Bagkos,
Tuyo na muli ang lalaugan
Pagkat sa mga panahong lahat ay uhaw
Mahirap ng makipag-inuman

Naibugso na ang mga titik
At kahit papano'y gumaan ang loob
Pagkat isa na namang tulang malungkot
ang aking ikinasubasob...

*maliit na bundok

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?