O, sapian sana ako ng kaluwalhatian
Dampian ng kaunting swerte sa apat na pagpipilian
Akong pangalawang beses na sasabak sa gera
at sa nasayang kong oras at pera
sa pinili kong pinakamamahal na propesyong ito
Bukas ako'y muling may papatunayan
Na kaya kong pagsabay-sabayin ang aking ipinagyaman
Sa ilang galong kapeng aking nalustay
at mga tanghaliang sumapat sa tinapay
O Diyos ko, ulanan niyo po ako ng matalas na isip
at ibulong ang mga tamang sagot sa aking panaginip
Ayoko na pang mabitin pa ang saya ng pagkaalpas
sa puntong ang lahat ng hirap na ito'y aking iuutas
at sigaw ko ng tagumpay ay ipapalahaw ko ng malakas
Kurutin niyo po sana ako sa aking nakaw na idlip
pagkat ayaw kong masayang sa mga oras na inip
ang aking katamara'y ipagpabukas
pagkat hindi ako mandurugas
at pagsisikapan kong masulit ang mga luha kong pinunas
Isinasainyo ko po ang buong ikahihinatnan ng pagsusulit bukas
Sakali mang makatatlong hataw ako'y, sapat na ang aking nadadanas
Balang araw ay alam kong ako ri'y magpapasalamat
sa pagsubok na tong ang silakbo ng puso ko'y nagkalamat
Basbasan niyo po ko ng kawagasan ni Mam Alarcon at Avendano
Ng katalasan at bilis mag-isip ni Sir Alli
ang kagaanan ng buhay at pagmamahal sa propesyon ni Sir Mercado
ang mayabong na kalawakan ng kaalaman ni Sir Rino
at ang isang mangkok ng pinaghalu-halong galing ng aming mga guro
Isama niyo po sa aking panaginip si Le Corbusier at Imhotep
Sa ilalim ng langit na naroon ang mga gusali ni Louis Sullivan
at dalhin niyo po kami sa kanilang mga alaala..
sa lahat ng itinayong Frank Lloyd Wright ang nakatala
at ang pangarap na natupad ang plano ni Burnham sa Maynila..
Pagtipunin niyo muli ang aming masasayang alaalaa
nawa'y maging kaliwanagan sa aming isip ang aming mga kakilala
na may adhikain rin na maging arkitekto,
kahit na laging sa tulog ay talo
pero buhay pa rin ang bumibikwas
Pagkat ako pa ang sarili kong amo...
Ako'y buhay, ako'y malakas, ako'y hinding-hindi papaagnas
Ako'y isang taon na lang ang natitira bago tuluyang makaalpas
Ako'y liligaya't di bibitaw, at di sasayangin ang pawis at luha
Sa pinili ko't, minahal na propesyong aking kinuha...
*Pumikit ng saglit, itaas ang mga kamay.. at tumingala sa langit*
AMEN.
*Dumilat at patuloy na mag-aral*
No comments:
Post a Comment
so, whatcha say?