Anong di kayang gawin ng binubuong salita
Sa isang gabing lampas langit ang tingala
At ang siyang nakaakap, sinasandigan ng matagal
Pagkat hanggang ngayo'y di pa rin napapagal
Ang paikot-ikot na mga bituin na di naman gumagalaw
Nakadikit sa langit na parang may tinatanaw
Nasan na ba ang tamang oras para sa siyang naliligaw
At ano ba ang totoo kung ang usapan ay lusaw
Nakakapagpabagabag.
Kung bakit tipong huling pisngi ng mangga'y matamis!
At ang kalat na nililigpit, muli't-muling iniimis
Sa bisagrang sira na kakasara, nag-iingay ng nadadala
at bawat katok sa pinto'y ilalagabag sa siyang mukha
Ngunit nakatayo pa rin
Kahit bangas na't tulo na ang dugo't uhog sa ilong
At sumasalpok sa tenga ang nagsisigawang bulong
BAKIT BA?
Ang simpleng hawi ng hanging galing sa kandila
Mainit pa rin at nakakaginhawa
Ang tunaw-tunaw na nagmamantikang luha
Na siya ring papatay sa nagsasarang bintana
At sino pa ba?
Kundi ang nagsasabing titigil raw ang oras
At alam ng lahat ang magiging rahas
Kapag naubos na ang iyak ng langit
At di na manunuot pa ang nakadikdik ng galit...
No comments:
Post a Comment
so, whatcha say?