Friday, May 21, 2010

Bulador

Kung saan mo ako noon pinahanap
Ang pagkakataong labis na nagpapabalik sa akin sa nakalipas
Bumitaw na ako sa pisi pero di pa rin nakakaalpas

Nililipad ng hanging nagtunaw sa'king kaplastikan
Ipinangangalandakang ako'y isang bulador masaya kunyari sa initan
Hawak mo ako pero ako'y walang pangkapit sa'yo
Pag binuksan mo ang palad, sabay hawi ng buhay ko

Kita ng lahat ang pagbulusok ko sa himpapawid
Nagpasirok-sirok sa mga ulap lumagpak sa pawid
Butas ng mahawakan, di na muling mapalipad
Ang saranggolang sa pangako'y di marunong tumupad

Sa mga panahong pinandidilatan ako ng dilaw na araw
At ang sinag tagos sa aking lamang nangunguhaw
Kailangan ko ng bumaba, ngunit kahit ika'y bumitaw
Makabababa lamang kung ang maghihila ay ikaw

Saranggola sa alam mong kung ano ako
Bulador na tinitingala mo sa asul niyang dagat
Misteryoso mang nagmamaliit, nagpapakumbaba sa'yo
Na nagputol ng pisi sa isang walang kwentang salamat

Thursday, May 20, 2010

Sundo

kay tagal kong sinusuyod ang buong mundo
para hanapin ka...
Nilibot ang distrito ng iyong lumbay
pupulutin ka...
asahan mo, mula ngayon pag-ibig ko'y sayo
-IMAGO_SUNDO


mama on the pic. (stolen)

Ngiting Pikit


Sa gabing kumikislap ang pundidong pag-iisip
Tumitilaok na ang sigaw ng panaginip
Lulubog na ang naglalambot na langit
Sa mukhang nakikitang nakatawang may sakit
Sa tinding paglaglag sa mataas na hagdan
Sumibol ang tinik mula sa kawalan
Nagsugat ang mukhang tinatanaw ng langit
Nagdurugo, sumasabay sa pamatay na awit
Pagpikit ng mata’y di makita ang saya
Nawalan ng pula ang dugo sa sinta
Kumintab ang kislap ng ngiti sa paghiga
Nawalang saysay ang dugong, sa langit nagpalamya
Umagos ang luhang, ngiti ang ina
Natamo ang saya sa pagdilim ng mata
Tumahan man ang tawa’y rinig pa rin ang halakhak
Sa pagpikit naalala ang siyang nagpapagalak
Kumabog ang puso sa malambot na dingding
Matigas na unang niyayakap ang ningning
Bawat patak ng ningning sa pikit na pagngiti
Nawawalan ng segundo ang bawat sandali
Nangalay na ang mata sa lubos na paraiso
Sumosobra na sa panaginip na nawaring bisyo
Nagtanghal na ang bida sa kapal ng maskara
Natanggal na ang nawawalang takip ng lampara
Naibahid na ang pagdamdam sa gabing balot sa dilim
Nadapa na ang simangot na naghatid ng lagim
Wala ng natira sa salitang mawawaksi
Panay pa rin ang pagsulat sa damdamin ng budhi
Wala ng magawa ang mukhang nalilito
Nagbigay windang sa langit
Nagbigay ngiti sa’yo

Poem Published in BUGHAW 2008 Edition (The Official Portfolio of the School Publication, The Olfazette) La Consolacion College Tanauan. This is one of the most memorable published poems I made for the Olfazette. This is also the poem that started the Tulang Hugot sa ilalim ng Lupa Series which is over 30 poems already.