Tuesday, June 2, 2015

Sinong Prinsesa?


Ako ay isang prinsesa
Kailangan ng pagliligtas
Nakakulong, nakaatras
Kung walang tutulak na lakas

Ako'y mahina at marupok
Puro panaginip at takas
Na wala namang katotohanan
at mga panakip sa butas

Ako ay isang prinsesa
Nakatutok lahat ng ilaw
Walang kayang gawin at isigaw
Kundi pahingi ng araw

Ako'y takot at walang kaya
Walang kayang ipaglaban
Hindi maririnig ang iyak
sa naguumapaw na kintaban

Ako ay isang prinsesa
Nakatapak sa baga ng apoy
Nilublob sa pusod ng dagat
At nalunod bago lumangoy

Sa unang beses na paghinga
Kulang pa pero kaya na
Sa unang beses na paglayag
Nakatayo na sa sariling paa

Ako ay isang prinsesa
Huhusgahan sa nakalipas
Hihilahin pababa
na hindi ko kaya ang bukas

Pagdududahan ang tibay
Dahil nadapa noon
At di iiwan sa kahapon
ang pinagdusahang panahon

Ako ay isang prinsesa
Kakayaning patunayan
na di hadlang ang pagkaprinsesa
sa pakikipaglaban sa digmaan

Nadapa sa putik, sugatan
Peklat ang hiwa sa balat
Naiga ang buong kalulwa
nang hindi niyo nakitang lahat

Ako ay isang prinsesa
Magiging malakas at titingalain
Ang huling naging matamlay
ay kikinang sa mga bituin

Pagkat ito talaga ang simula
kapag ika'y naging prinsesa
Lahat ng dugo sa buong mundo
Bago ikaw ang maging Reyna


Friday, January 2, 2015

Ngayon lang Bago ang Aking Taon


May paalam ba? May pakilala ba?
Ang nagdurugtong sa dalawang taon
na walang pagitan kundi isa?
Minuto ba? O segundo?
Ang bilang ng pagbabago
Ilang oras ba ang katumbas?
ng simula ng panibago... 

Bata ka pa, kahit ilang taon ka na
Nagtatanong kung sapat na ba...
Ang isang taon...
na pagtatanong
kung kailan ba sasapat ang dusa...

Saan ako lilingon? 
Sa isang segundo bago magbagong taon?
Anong meron sa liwanag ng umaapoy na mga bituin?
Anong meron sa ingay na sasapaw sa malas
kung sa isang segundo
ako'y bata pa rin... 

Saan ako titingala?
Sa liwanag ng langit?
O ang ingay na nagkalma sa mga ulol na askal?
Saan ako ngingiti?

Ano pang aking itatalon?
Bakit lipas na ang ligaya ko sa Bagong Taon?


Masaya di kaila
ang magpasalamat sa oras...
Sa pinaghalu-halong ligaya na sumapaw sa malas
Mahaba na ang tula
pagkat simula na naman
ng pag-ikot ng mundo sa araw
habang hinihilo ang buwan...
Mga batayan ng oras, mga batayan ng panahon
na tugma sa aking buhay
at ngayon lang Bago'ng aking Taon... 


HAPPY NEW YEAR EVERYONE! 

Marami akong pangako ngayong taon na sana naman... matupad na. Hindi ibig sabihin na dahil bagong taon lang kaya ako magbabago. Kasi ngayon lang talaga (gaya ng patukoy ko sa tula) na naging Bago ang buhay ko ngayong bagong taon. Heto para sa isang taon na uling pagbabagong buhay at sa tuluyan kong paggaling... CHEERS! *klenk sa tasa ng kape*

Wednesday, December 24, 2014

Santa, It Socks



"I still remember how people have tried real hard to make me believe that Santa Claus exists. And when they have finally brainwashed my innocent mind, just right when I was already becoming happy — the I-don't-care-about-your-lies kind of happy, that's also the time I heard the phrases, "Santa is not real" and "He's never coming back this Christmas", being said one after the other.

 But then I realized, he never even came for me in the first place. Because he isn't real. Santa is not real. Sometimes, you make me feel like you are those people who deceived me, while your love for me is their Santa. And I am the same, stupid, small boy who, despite all these, still finds his own reasons to believe."

-Patrick De Guzman
Illustrated by Bernadette ANillo

Monday, December 15, 2014

Walang Yumuyuko sa Langit




Napamahal ka na ba sa ulan?
sa bahagyang maya't mayang tapsak na nagpapagaan
ng iyong kaluluwang lunod
at ang hangin ay susunod
sa pagdaloy ng yong lagyo sa iyong kalulwa

Nagkaroon ka na ba ng gabi...
Na parang may sumabog na nebula sa iyong utak?
nagkukulay bahaghari na mga bulak
at kumikislap kumikindat ang lahat
at uulanan ka ng ligaya

Narito ang langit
nagsasalpukan, nagkakasabugan
sa mga hindi natupad na hiling sa mga bituin
At pinipilit silang tingalain
at panoorin ang laban ng mga pangarap
na kumukulay dugo sa alapaap

...

Monday, December 8, 2014

Gising ka pa?

Mulat pa sya, sabi nya...
Bakit gising ka pa?
Naghihintay raw ng bagyo,
bago mag umaga.
Nag aabang ng buwan
Sa maulap na gabi.
Nananaginip ng gising
At walang katabi.


Gusto na nya, pilit pa
E Wala na kong panaginip na iba?
Wala ng magpapapikit
Ng napakahigpit
Habang nakangiti'ng wagas
ang aking mga mata.

Gusto ng makatulog
Pero inuulit-ulit pa...
Bakit gising ka pa?
Mahirap na... mahirap na...
Wala na kasi talaga...
Wala na akong panaginip na iba...


Malamig bakante
Wala ng aasahan
Mga pangarap na lumaos
Nauntog at nalaglag
Bangas ang puso este NGUSO
sa paikot na hagdanan.
Gising na gising
Tulala at torete
Nakatungga at nalasing
Sa isang galong kape


Ayaw ko na, ayaw pa rin
Malayo na ako sa mga bituin
Wala ng panaginip
Wala ng pagtahan
Wala ng pagdadasal
sa isang pangalan.
Gusto ko ng matulog
Magpahingang mahimbing
Mulat at huwag ng tatanungin
Kung bakit pa rin?
Kahit wala na...
Bakit pa ako gising?


Monday, November 10, 2014

Ako ay may Lobo...



Durugan ng titig, lusawin mo pa sa ikagiginhawa mo
Tapos na nga ang gera, pero ako pa rin ang hingalo
Bitin akong naghihintay...
Ano pang kulang sa sugatan?
Anong kulang pa hanggang sa huli?
Ang di ko naintindihan...

Lumisan ka, wag mong awatin ang Helium
Pagkat nagsisimula na akong maghilom
Umalpas ka, pakawalan kung anong humihigit sayo sa lupa
Bitawan mo, hayaan mo...
Ano pang kulang sa ginawa?
Anong kulang pa hanggang sa huli?
Ang di ko mapagtugma

Natuto ako, Nagising, Lumapag sa sarili kong bundok
Gumaan ang hawak, Sa kamao kumalas
Ang lobong di alam na tangay ang aking buhok
Narito na ko, iwanan mo na...
Pagkat ayoko ng bumitin sa lobo ng iba
Ilang taon mo kong tangay
Anong iyong hinihintay?
Ramdam mo ba sa tali mo ang aking mga kamay?

Lumapag na ako, at naging pinakamasaya
Nasa tuktok ako ng bundok, yapos ang aking ligaya
Pero nariyan ka pa rin,
Dumudurog sa katahimikan
Anong kulang pa hanggang sa huli?
Ang di natin pag-uusapan?