Wednesday, June 12, 2013

Ang Nawawalang Tula



Sinusubukan ko pa,
kung may katas pa ng kalamansi ang lahat
kung may iiubra pa ba ang lalim ng aking balon
sa nagsasapawang kababawang nasasalat
Ako ba'y may ikakata pa?
Itong tigang na mga dilang lasang mapakla

Walang umuuga
Sa lunduyan ng aking damdamin
Walang rumaragasa
sa kalsada kong tatlong patong na ng aspalto
Pagkat wala rin akong pamato
sa larong pikong iisa lang ang aking maitatapak na paa

Walang direksyon sa tulang walang tema
Itago lahat ng tanong at tuyong pagkatao
Sa mabubulaklak at di maintindihang salita
At ang kaluluwang nadudukha
sa kapintasan at kapurihang dulot ng iyong pagkamakata

Naliligaw ako sa sarili kong panaginip
At wala ng ibang butas ng liwanag na nasisilip
Sa marahang paghupa ng ulan
At ang muli't-muling pagbalik sa nakaraan
Sa mga kahel na hapong namimighani
At ang mga byaheng bitin at sakali
Na umubos na sa aking inspirasyon
At sumagad sa ikakatas ng aking imahinasyon
Para mahanap ang aking nawawalang tula
at ang aking kumupas na pagkamakata...

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?