Tuesday, April 5, 2011

Sawsaw Patis

Minsan ring nakatikim ng masarap na sawsawan...
Sa isang ulam na kinulang at  nasalat sa sarap
Na ngayon nagpapaumay sa di na nalalasap
Ang simpleng bagay na kulang sa kasimplehan
At ang pagpilit na maging special halo-halo
ang isang alamang.

MASAKIT!
ang mapabilang sa isang matabang na sawsawan
Na lahat na lang ng anghang, pinagpipilitang malasahan
Hanggang sa lapnos na ang sariling dila
Sa kakatikim ng asim, at sa namumuong mantika
Sa kakahikahos sa buntong hininga
At sa hirap sa pag-alis kapag ang sili'y natinga..

MAKAPIT. MABIGAT
Sa pusong di man lang kumakain ng gulay
At pinaguumpukan ng bigat sa kakabig ng dibdib
Na kahit sariling kakuntentuhan hindi na maisilid

At siya'y di na muling mapapasawsaw
Sa suka't toyo, na may sibuyas at kalamansi
Binudburan ng paminta't durog na mani
Pinigaan ng sili't hinaluan ng asukal
At nag-ikot ikot sa dila
ang nakakasukang atungal

Sumingaw na may usok pang lumabas
Sa bunganga ng nagpapakarahas
Sinubo ng buo, ang pulang-pulang labuyo
Namula, namawis
at mukha'y pinapawangis
Na siya'y nakangiti pa.

Sasawsaw pa ulit sa plato.
Dahil di na sa kanya sumarap ang luto...





sawsaw patis - pang-asar sumingit sa usapan

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?