Saturday, January 21, 2012

Kalahati

Kalahating talukap at bahagyang panaginip
Sa damdaming naibubugso sa tuwing di mo nakikita
At ang bilis ng tibok kapag humahalina
Ang mga kantang sinlambing ng kapa’t batingting
Ng mga notang dala mo sa aking mahimbing

Sa hindi nawawalang kislap ng mata
At mababaw na titig na kay pusyaw ang dala
Sa nagpapagaan ng gabundok kong mundo
At ang pasan kong pagpipilian
Na wala ng maipangatwiran
Kundi ang masabi ang pangalan mo

Malabo gaya ng mga bulak sa gilid ng mga ulap
At ang mga sinag na walang isang direksyon
Ako ba’y mananatiling narito’t nakabaon
Nakakapit sa huling ugat na bubuslo sa akin
Sa sandaling ako’y sa sarili mapaamin

Ako’y di hamak na wagas at bigo sa ganito
Sa mga tira ng panang ni hindi ko masalo
At ang biloy mong tinutusok ako,
Sa tuwing lilihis at maaaninag ang ngiti
Sa di mapawaring tinanim mong binhi
Sa lumalalim kong puso
At tumitigil na mga tibok
Na nagsimula sa isang katiting na alikabok

Damhin mo ang bahagyang ako’y napapariwara
Sa labis na tusong ako’y sa wakas aalpas
At patuloy na sa titig mo ay maagnas
Habang ako’y nakapikit
At ang mga salita’y kawala
Sa nilalim nitong tubig ngayo’y, mahirap ng makawala

Ipikit mo na ang kalahati mong talukap
At panaginipan mo ang laman ng isip ko
Sakaling maging baligtad ngayon ang ating mundo
At iniisip kong may kagaya mong, labis ang gulo
Kung matatakot ako kung malinaw na
Ang bihirang nagiging totoo...

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?