Monday, December 12, 2011

Pigaan ng Ulo

Umiikot na mga linya at tumitibok na ugat
Nagtatalong sipon, ubo, trangkaso at lagnat
Nanggigigil sa kumot at kumakapo sa aking paa
At nagbabarang ilong sa nagluluhang mga mata
Pasmado ang mga kamay, sabay ang pawis at ngatal
Maya’t mayang tukod sa ulong napapagal
At ang boses lyamado, di na kayang makabulong
At ang mga panaginip ay panay na sakin ang dulong

Malabo ang tingin at para ng lumilindol
Ang mga manok sa isip ko ay siyang tumatahol
Madilim na ang isip, pero nakasindi pa ang ilaw
Sa ilaw na patay bukas at sakin nagsisilaw
Habol ang bawat tumba sa kamang kay tigas
At ang lahat ng inaatupag unti-unti ng naaagnas
sa walang saysay na nakakatas sa aking tigang na utak
Na ang produkto ay ang obra maestrong pinaglalamutak

Buong gabing nagpupuyos sa pagdiin sa king noo
at ang buhok naliligaw na kung nasan ang aking puyo
Ilang kamot na’t gigil sa lapis na walang maitinta
At pamburang ubos, pulbos, nagpuwing pa saking mata

At ligaw sa mundo, kalahating nananaginip
Sa utak na iga’t naghahanap ng masisilip
Ako’y naninimdim, naghahanap ng magliliwanag
Magdidilig sa aking uhaw, at mga bundok na nagpatag
Kapirasong gabing walang idlip, walang kisapmatang sinayang
Sa oras na maigugulpi wag lang may ikahinayang

Kalmot at gusot, kuya-kuyampot, lahat ng aking papel
Inaakit na ko sa kama ng bumubulong na mga anghel
At sumisindak ang patak ng oras,
Alas dos ng madaling araw ay magpapabukas

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?