Friday, December 9, 2011

Ang Nalunod na Wisyo

Tamad
Nakabaluktot sa kama
Dalawang balot ng kumot at walang kasama
Nanlamig na ang kape at ang mapait nitong latak
Sa isang araw na sabaw lang ang nasa utak
Walang tunog ng elektrikpan
Walang nagmamadaling mga daga
at walang wisyo sa mga gawaing isang taon ng tinakda

Walang maibabawi sa huling magkadapa
Walang dahilan para gumulong sa hagdanan
At ang mga patak sa kisameng di kinaya ng bubong
Na hiniling kong umiyak na lang ng pasulong
Pinalamig pa ang aking punda
At ang akap kong unan tuwina
Hinatak ako ng lupa
at nakasugapa, nakadapa
Limot na ang lahat ng noo’y kinakapa
Limot na ang wagas
Limot na ang rason
May amnesya na ang aking wisyo
At ang yapos kong unan tuwina
Dinaganan ko’t nang matigil akong huminga

Umaalingawngaw ang tibok ng utak
sa lahat ng bulak
sa loob ng aking unan
at ang ragasa ng walang humpay na tunog
na pumipiyok na’t pagaw
At wala ng maisisigaw
Ang mga lumaos ng kanta
sa nangangaraoke kong wisyo
at ang nagsabi sa aking mayabang ako

Maraming nangyari
bumuhos ang bagyo
Bumaligtad ang mga ilog
Umapaw at kumalat ang mga nagbabarang basura
Sa isip kong nagkakalat
Hinahatak muli ng kama
Pumikit raw ako’t manimdim
Sa madilim ako’y magtataimtim

At ang matagal kong hinihintay na wisyo
Lumubog na sa barko
Na matagal ng bumabyahe
Kinain ng buo ng dagat at nalunok ang mga alon
Nang ikaw ay bumagyo
at ang barko ng wisyo kong malunod sayo

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?