Tuesday, June 21, 2011

Bakasyong Panaginip

Hindi isang tanong kundi isang hiling. Pinagpipilitan kang sabihin kung ano yung pinakagusto mong bakasyon sa buhay mo. Ako? Hindi ko masasabi. Dahil kahit pa sabihin kong gusto kong humilata maghapon, mag-internet maghapon o manood ng TV, hindi pa rin yun yung pinakapinangarap kong araw-arawin sa buhay ko.

Sige na nga. Gigisahin ko ang sarili ko sa tanong na to. Una sa lahat, ang pinakagusto kong maranasan ay ang magsagwan sa mga kanal ng Venice. Sa Bansa ng Italya na kung saan lahat ng mga umaasang sawi sa pag-ibig ay naghahanap ng tisoy na babago sa kanilang buhay. Pero hindi yun ang hanap ko doon. Iba yung ambiance ng binahang lugar na napakagandang tingnan at ang mga tulay na para kang nasa loob ng isang rides sa theme park. Siguro, yung kakaibang mundo na rin ng Europa ang gusto kong malaman. Matagal na akong kating-kati ang paa para man lang makalabas ng Luzon at makasakay ng eroplano. At mukhang matatagalan pa ko sa Venice.

Pangalwa sa lahat. Isa akong sabik na bata. Sawang-sawa na ako sa napakaraming rides at theme park dito sa Pilipinas este… Luzon. Kaya maiba naman, sabik rin ako sa kahit isa man lang Disneyland. Masyadong mababaw? Tandang-tanda ko pa nung pinagawa kami ng plate sa TOA (Theory of Architecture). Ililista mo yung mga lugar na napuntahan mo na at mga lugar na gusto mong puntahan. Nakanganga na lang ako sa mga kaklase kong nakapunta na sa Disneyland, Smithsonian Museum, Louvre Paris, at marami pang iba. LAHAT YON, nasa gusto ko pa lang puntahan.

Oo nga naman, Bernadette. Paano ka naman makakaalis kung ni pasaporte di mo man lang maasikaso. E pasensya na, pano ba naman ako mag-aasikaso ng pasaporte sa sobrang dami ng pinaggagagawa mo sa buhay.

Sabi sa “Query of the Day” ko, na binili ko sa Papemelrotti, “DESCRIBE YOUR DREAM VACATION”. Ang pangarap kong bakasyon sa ngayon, ay nasa panaginip ko pa lamang…

BeautifulItaly-VeniceafterDark-freecomputerdesktopwallpaper_1024

Sa mapayapang alon at hagod ang dala
Sa dilim ng gabing walang nakakakita
Kumakanta sa isip, sa ilaw na kahel
Sa munting ilog na may dumaang anghel
Umipod ang bangka At walang hawak ang kamay
Nakanganga sa mangha Sa labing, ngiti nakahimlay
Bagkos sa nakikitang paraiso at ang sagwa’y iisa…
Tatabingi, Malalaglag, Lunod sa kanyang mga mata
Kulang ang sandaling katahimikan
Ang tubig ay di kayang mag-isa tumula
Kulang ang sandaling bakasyon,
Kung siya’y di maisasalba…

Kailangan kong makaligtas, makahinga’t makabawi
Sa minsan kong kinalunuran, kinain lahat ng sinabi
At ang mistulang bangkang tumaob
Iniwan at ako’y di binalikan
Pagkat sa kaisa-isang ilog na makitid,
ISANG BANGKA LANG ANG DUMAAN

At ang bakasyon kong hinahangad,
Makabalik lang sa Italia, sa syudad ng Venice
Hindi para magpalunod muli o ang kalat ko’y iimis
Maghihintay sa tabing daan
Sa kung saan nakatali ang babalikan
Ng bangkang tumaob, nilaglag ako’t nilunod
Kahit na ang puso ko ay basta ng pinaanod

Muli’t muli sa alaala, di talaga marunong mamangka
Ni minsan di nakahuli ng kahit isang duling na tilapia
Mahirap mang pilitin, babalik ako’t maghihintay
O kahit pumara man ng IBA at makisakay
Hahanapin ka’t kung ka saan bumabalik pagka-palaot
At makita lang sa huling sandali, wala na ang aking pagod..

Babalik ako sa aking panaginip
Sa lumubog sa bahang, tuyong-tuyo naman noon
Matapos lumuha, mas pinaganda pa ng panahon
Maya’t-mayang nahihiya man,
Lulubog na ang Venice sa Italya
At di ko man lang mababalikan ang aking BITIN NA LIGAYA

 

Venice_Italy

Hindi ko man kailangan ng bakasyon ngayon, kailangan ko rin ng pahinga…

Smile

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?