Tuesday, April 6, 2010

Sinong Dapat Magtago

Nakaharap ka sa salaming tadtad na ng marka ng lamat
Bumabalik lahat ng ilaw, liwanag, katotohanan ng sugat
Titig pa.. nang matunaw ang salamin, sabay lapnos ng paningin
Tunaw rin ang sarili mo nang salamin ay manimdim
Di mo na makita ang dapat sa salamin nanganganinag
Pero nang pinilit mong linisin, nagkulang pa rin ng paliwanag
Bakit siya umiiyak? Kahit nakangiti naman ako?
Bakit siya nananaghoy? E nananahimik ako?

Humahanap siya ng away kahit wala namang panlaban
Nakangibit na ibig maghiganti kahit walang may kasalanan
Nabagabag ako nang makita ko siya, nagtatanong sa akin?
Paano ko raw siya naitago kung mahirap siyang bolahin
Bakit raw ako nababagabag e kilala ko naman siya
Ngayo'y ginagambala na sa muling pagpapasiya

Gusto niyang mapadpad sa ibang mundo, makatakas
Lisanin ang minsang nagparungis, nagpadugo, nagpagasgas
sa minsang ngiti niyang pilit ko pa ring sinusuot ngayon!
Kaya't unti-unti ng nagagato, at lalala pa ang panahon
Hinawakan ko ang kanyang kamay na lapat rin sa akin
Sabay namin tinanong.
SINONG BA TALAGANG DAPAT MAGTAGO SA ATIN?



SINO?

No comments:

Post a Comment

so, whatcha say?