Sa ilang ulit na pagsilip sa di makitang butas
Ang salita'y napilas, napunit at kumupas
Ang latay sa puso'y di na nakakapa
Bitbit sa eskwela ang lahat ng idinapa
Matagal na naghihintay ng sapat na wisyo
Di masyadong tamad, di sobrang asikaso
Ang pagkalas ay mahirap ng hilahin
Pagkat ako ngayo'y pauulit-ulit
Sa mga tulang tumatama lang sa akin
Umiikot, pare-pareho, ang hataw ni Balagtas
Tinitingala ang paglusaw niya sa aking kayang iagnas
Pagkat kay Huseng Sisiw, sisiw lang ang pagsipol
Habang ako'y naninigaw na sa utak kong binurol
Nasan na si Rizal sa tigang kong kalaliman
Hinuhukay sa sarili ang labis na kinawilihan
Nasan na ang inspirasyon, ang silahis ng kakataan
Nakaupo, ngalay ang paang nangingimay
dala ang damdamin kong naipon sa talampakan
Kay pisat!
Ng resiklong basurang ni minsan di ko naimis
Nagbalat-kayo ng sobra-sobra ang siyang kutis
Nasan na, ang hinihintay kong bagong produkto
Ang mga salitang ni minsan di ko nadayo
Ang kakataang di pa bumibisita sa king pintuan
At ang mga damdaming ni minsan di ko inasahan...
It seems to me it is good idea. I agree with you.
ReplyDelete